UMABOT na sa P105.8 bilyon ang nailabas mula sa P165.5 bilyong pondong nakalaan sa ikalawang batas hinggil sa Bayanihan, ngunit mistulang bangkarote pa rin ang kalagayan ng maliliit na negosyante at mga manggagawa.
Nakasaad sa website ng Department of Budget and Management (DBM) na P105.8 bilyon na ang naipamahagi mula sa P165.5 bilyon ng Bayanihan to Recover as One Act.
Layunin ng pondo ay ayuda sa mga negosyanteng nakapaloob sa hanay ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), milyun-milyong manggagawa, pinakamahirap na mga pamilya at gastusin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan laban sa COVID – 19.
Nitong Disyembre 19 ang huling araw ng buhay ng Bayanihan Act 2, kaya bawal na itong ilabas ng DBM upang magamit ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Nasa P59.7 bilyon na lang ang natitirang pondo para sa Bayanihan Act 2, ngunit hindi pa nakababawi ang mga negosyanteng bahagi ng MSMEs.
At ayon sa NAGKAISA Labor Coalition, milyun-milyong pamilya ng mga manggagawa ang ‘bagsak’ ang buhay dahil napakarami sa kanila ang hindi pa nagkakaroon ng trabaho.
Ang ibang manggagawa na mayroong trabaho ay ‘ipinako’ na sa suweldong napakalayo sa minimum na siyang itinakda ng Minimum Wage Law.
Idiniin ni DBM Secretary Wendel Avisado na walang dapat ipangamba ang publiko sa balanse ng Bayanihan Act 2 dahil ang panukalang batas na nagpapalawig sa bisa nito hanggang Hunyo 21, 2021 ay lalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago magbakasyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso nitong Disyembre 19, ipinasa nila ang nasabing panukalang batas upang magamit pa ang P58.7 bilyong natira sa Bayanihan Act 2 at hindi maibalik sa Bureau of Treasury (BTr). (NELSON S. BADILLA)
