PANIWALA ng gobyerno, tapos na ang pandemyang perwisyo. Kaya naman ang mga tao, nagkakagulo sa pagdumog sa iba’t ibang pasyalan at establisimyento.
Bagama’t ang pagbabalik ng normal na pamumuhay ang hangad ng marami, hindi angkop na maging kampante. Ang pagbaba ng arawang talaan ng mga positibo, hindi nangangahulugang pwede na tayong magwalwal sa kasabikang dulot ng mahabang panahong “stay-at-home” lang tayo.
Kung pagbabatayan ang pahayag ng Department of Health (DOH), malinaw na may banta pa rin sa ating buhay at kalusugan. Kung mayroon mang balitang dahilan para tayo ay ngumiti, iyon ay ang dahan-dahan, subalit patuloy na pagkaunti ng mga pasyente.
Pero kwidaw, ayon sa Octa. Anila, hindi pa tayo pwedeng magsaya. Giit ng Octa, posible pa rin ang paglobo ng kaso pagsapit ng mga buwan ng Abril at Mayo.
Panawagan ng Octa, ‘wag masyadong kumpiyansa, lalo pa’t sa mga naturang buwan naitatala ang pinakamataas na bilang ng mga biktima.
Ayon mismo sa mga dalubhasa sa larangan ng medisina at siyensya, ang pamumuhay kasama ang lintek na COVID-19, dapat anilang makasanayan na. Dahil sa ayaw at sa gusto natin, mananatili ang nakamamatay na sakit sa piling natin.
Gayunpaman, wala naman anilang dahilan para mataranta kung lahat tayo ay may angkop na bakuna – tatlong turok para iwas-dagok!
Sa tala ng DOH, marami pa ang may agam-agam sa itinuturok na bakuna. May mga natatakot sa kanilang kaligtasan, mayroon namang duda sa aspeto ng bisa. Hindi rin magpapaiwan ang mga pinagbabawalan ng relihiyong kinabibilangan.
Ang siste, kasabay ng pagbaba ng arawang kaso ang pagtamlay ng kampanya ng kagawarang mandato’y tiyaking ang ating kaligtasan at kalusugan. Kaya ngayon ang matutunghayang eksena – bugso ng mga taong halos magkapalit-palit na ng mukha.
Dangan naman kasi ang lahat ay abala na sa ibang klaseng kampanya, kung saan bumibida ang mga pulitikong matamis mangusap at puro pangako.
