CAVITE – Sugatan ang isang 50-anyos na construction worker na mahina ang pandinig, nang barilin ng isa sa apat na mga holdaper na pumasok sa kanilang barracks, nang gumalaw ito makaraang magbabala ang mga suspek na huwag kikilos, sa Villar City, Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Pagamutan ng Dasmariñas ang biktimang si Alberto Mateo y Loyogog, stay-in sa construction site sa Villar City, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite dahil sa tama ng bala sa baba at kanang biceps.
Tinutugis naman ng pulisya ang apat na mga suspek na nakasuot ng jacket, naka-bonnet at armado ng ‘di nabatid na kalibre ng baril.
Napag-alaman, nasa loob ng kanilang barracks ang mga construction worker nang biglang pumasok ang mga suspek na armado ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, nagdeklara ng holdap ang mga ito at sumigaw na huwag kikilos bandang alas-10:00 ng gabi noong Linggo.
Hindi pumalag at hindi gumalaw sa kanilang kinauupuan ang mga construction worker maliban sa biktima na hindi narinig ang babala ng mga holdaper.
Bunsod nito, nataranta ang isa sa mga suspek at bigla itong binaril.
Matapos limasin ang pera at mga gadget ng mga biktima ay tumakas ang mga suspek sa hindi nabatid na direksyon.
Hindi naman nabanggit kung ilan ang gadget at kung magkano ang perang tinangay ng mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
