Sa mga pumaslang sa ABC president ‘GET THEM ALIVE!’ – GOV. FERNANDO

NAGBIGAY ng direktiba si Gobernador Daniel R. Fernando sa pulisya na hulihin nang buhay ang mga suspek na pumaslang kay Association of Barangay Captains (ABC) president Capistrano noong Oktubre ng nakaraang taon.

“I want them alive,” ito ang binigyan-diin ni Fernando sa Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa ginanap na 2025 Second Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Advisory Council (PADAC) at ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na ginanap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City noong Biyernes, Hunyo 13.

Nauna rito, pinuri ni Fernando ang pulisya sa maagang pagkaresolba sa kaso ng dalawang pinaslang na police officer ng Bocaue Police Station na sina PSSg. Dennis Cudiamat at PSSg. Gian Dela Cruz noong Marso 8, 2025, kung saan ang pangunahing suspek ay napatay sa isang engkwentro habang sinisilbihan ng warrant of arrest sa Baggao, Cagayan noong Hunyo 4, 2025.

Ayon sa gobernador, nais niya na ma-solve na rin ang kaso ni Bokal Capistrano at sa kanyang mensahe sa mga pulis, kung maaari ay mahuli ang mga ito ito nang buhay.

“Get them alive, I want them alive, I want a song to be sung so we will know who is/are the masterminds,” ani Fernando.

Kinilala ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Capistrano na sina Ulysses Pascual, Cesar Gallardo Jr., at ang dalawa na nakilala lang sa kanilang mga alyas na “Lupin” at “Jeff”, pawang mga taga-Navotas.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong murder at may warrant of arrest nang inilabas si Judge Felizardo Montero Jr. ng Regional Trial Court Malolos City, laban sa mga ito.

Sinabi ni Fernando, gusto niyang mahuli nang buhay ang mga suspek nang sa gayon ay malaman kung sino ang nag-hire sa kanila o ang mastermind sa naturang pamamaslang.

Magugunitang ilang beses na pinaputukan ng mga armadong kalalakihan ang sasakyan ng biktima noong gabi ng Oktubre 3, 2024 sa Barangay Ligas, City of Malolos na ikinamatay nito at ng kanyang driver na si Shedrick Suarez.

(ELOISA SILVERIO)

72

Related posts

Leave a Comment