BABY BOY ISINILID SA BAG, ISINABIT SA GATE

KORONADAL CITY – Isang sanggol ang natagpuang nakasilid sa bag na isinabit sa gate ng isang bahay sa Purok Aquino, Barangay San Miguel, Norala, South Cotabato nitong Martes ng umaga.

Ayon kay Mary Kris Aquino-Dela Cruz, residente sa lugar, natagpuan ang sanggol pasado alas-5:30 ng umaga ng isa sa kanilang mga tauhan na si Ricky Dequina matapos marinig na may umiiyak na sanggol.

Kinuha niya umano ang bag at binuksan at doon ay nakita niya ang baby boy na umiiyak.

Dinala agad sa RHU upang matingnan ang kalagayan ng sanggol at doon nalaman na putol na ang umbilical cord nito kaya’t posibleng 3 araw na itong naipanganak.

Naniniwala ang mga nakakita na plano talaga ng ina o sinumang nag-iwan ng sanggol na ipaampon ito dahil siniguro naman nito na makakahinga sa loob ng bag ang baby boy at nabihisan ito nang maayos.

Sa katunayan, may nakaipit umano na bawang sa sanggol, palatandaan na ayaw niya itong mapasama.

Ngunit maling paraan lamang ang ginawang pagpapaampon sa sanggol ng sinumang ina nito na hindi siya kayang buhayin.

Agad namang nai-turn-over at nasa pangangalaga na ngayon ng Department of Social Welfare and Development o DSWD-12 ang baby boy. (BONG PAULO)

118

Related posts

Leave a Comment