LAGUNA – Patay ang isang babae nang masalpok ng kotse ang motorsiklo kung saan siya naka-angkas sa Manila East Road, Brgy. Nanguma, sa bayan ng Mabitac noong Huwebes ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Bolina Sin, 47, residente ng Siniloan, Laguna, dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan makaraang tumilapon mula sa motorsiklo.
Kritikal naman at nilalapatan ng lunas sa ospital ang mister nitong si Dominador Sabaybay Sin.
Ayon sa report ng Mabitac Police, naka-angkas ang ginang sa motorsiklo na minamaneho ng kanyang mister nang mula sa likuran ay araruhin sila ng kotseng minamaneho ng negosyanteng si Aurelio Resurreccion Manansala, 54, ng Sta. Cruz, Manila.
Ayon kay Manansala, hindi niya napansin ang nasa unahan niyang motorsiklo ng mag-asawa na noon ay tumatahak sa inner lane dahil walang ilaw ang mga ito.
Nasa kustodiya pa ng Mabitac PNP ang driver ng kotse habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
(NILOU DEL CARMEN)
