BAGITONG PULIS AT MARSHAL TEAM LEADER, KALABOSO SA RAPE

DINAKIP ng pulisya ang isang bagitong pulis at isang team leader ng municipal marshal na kapwa itinuturong sangkot sa panghahalay sa isang teenager sa Mariveles, Bataan.

Nakilala ang mga suspek na sina Patrolman Elmer Tuazon Jr., nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Bataan Provincial Police Office (BPPO) at ang 53 taong gulang na si Armando Dimaculangan.

Nabatid kay Police Lt. Col. Cesar Lumiwes, hepe ng Mariveles Municipal Police Station, nangyari ang panggagahasa ng mga suspek sa 19-anyos na biktima na itinago sa pangalang “Salome” nitong gabi ng Biyernes, August 28, 2021 sa boarding house ni Dimaculangan sa Barangay Dos.

Dahil nasa MECQ ang lugar, sinita nina Tuazon at Dimaculangan ang biktima sa mismong itinayong Quarantine Control Point (QCP) sa kahabaan ng Roman Highway sa nasabing Barangay dahil curfew hours na ay nasa labas pa ito ng bahay.

Sa halip na community service ang naging parusa ay dinala sa boarding house ang dalagita at duon walang awa umanong pinagsamantalahan ng mga suspek.

Nagawang makapagsumbong ang dalagita sa kanyang mga kaanak at agad namang naipaalam ang krimen sa pulisya na naging dahilan sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Bukod sa kasong kriminal ay kakasuhan din ang bagitong pulis ng administratibo na posible nitong ikatanggal sa serbisyo habang si Dimaculangan ay napag-alamang tinanggal na sa kanyang trabaho sa local government unit-Mariveles. (JG TUMBADO)

228

Related posts

Leave a Comment