(NI DAHLIA S. ANIN)
PUSPUSAN na ang paghahanda ng mga ahensya ng gobyerno sa tag-ulan sa bansa at sa iba pang sakuna.
Kanina ay pinasinayaan sa Philippine Coast Guard Headquarters sa Maynila ang ilang bagong kagamitan tulad ng 20 bagong rescue boats na ipakakalat sa mga bahaing lugar sa bansa. Tinatawag nila itong Oplan Kahandaan Typhoon Season.
Ang mga bagong rescue boats ay mga aluminum boats na may bilis na 20 knots. Karamihan sa mga unit na ito ay ipadadala sa Visayas at Mindanao. May maiiwan sa kanilang headquarters at may ilan ding ilalagay sa kanilang unit sa Subic na maaaring rumesponde sa kahit saang bahagi ng Luzon.
May mga 20 bagong jet ski rin na maaring gamitin sa search and rescue operation na kasama ang mga rescue boats at mga bagong pick-up trucks na hahatak sa mga bagong water assets.
May parating pang 70 rubber boats sa susunod na buwan na ipadadala rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Gayunman dismayado si Philippine Coast Guard Commandant Admiral Elson Hermogino, dahil naantala ang pagdating nito na inaasahan nilang darating sa unang quarter ng taon dahil nais niyang mai-deploy ito ng summer.
Gayunman, sa ngayon ay ide-deploy muna ang mga water assets sa ilang public beaches sa bansa katulad ng Boracay, Palawan, Siargao at Cebu upang tulungan ang ibang Coast Guard unit na nasa lugar na bigyan ng seguridad ang mga turista dahil hindi pa nagsisimula ang tag-ulan.
