BAGYONG ‘NIMFA’ BINABANTAYAN; 1 PANG LPA, HABAGAT HUMAHATAW

ulan55

(NI JEDI PIA REYES)

GANAP nang bagyo at patuloy na binabantayan ang low pressure area (LPA) sa Basco, Batanes at tinawag ngayong ‘Nimfa’.

Kasabay ng paghataw ng tropical depression ‘Nimfa’ ay ang isa pang LPA na nasa kanlurang bahagi ng Zambales bukod pa sa malakas na epekto ng hanging Habagat.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astromical Services Administration (Pagasa), hindi na inaasahang magla-landfall ang bagyong ‘Nimfa’ ngunit nagpapabago-bago aniya ang galaw nito.

Asahan na ang mahina hanggang katamtaman at paminsan-minsang malakas na pag-ulan sa Central Luzon at Occidental Mindoro kaya’t pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na mag-ingat sa mga posibleng pagbaha at pagguho.

Ganito rin ang inaasahang panahon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon gayundin sa Western Visayas.

Huling namataan ang bagyong ‘Nimfa’ dakong alas-kuwatro ng hapon ng Martes sa layong 695 kilometro sa Silangan ng Basco, Batanes. Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na hanggang 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.

Kung hindi magbabago ang galaw ng bagyong ‘Nimfa’ ay posibleng nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng umaga.

Samantala, namonitor din ang LPA sa kanluran ng Central Luzon partikular na sa layong 95 kilometro ng kanluran ng Iba, Zambales.

Gayunman, maaaring matunaw na rin ang LPA sa susunod na 48 oras.

411

Related posts

Leave a Comment