SAPILITANG inilikas ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga residente sa Smokey Mountain sa Tondo, Maynila bunsod ng pagguho ng lupa dulot ng ilang araw na pag-ulan dala ng bagyo at habagat.
Ipinag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno ang force evacuation matapos ang nangyaring tatlong beses na pagguho ng lupa makaraan ang ilang araw na pag-ulan.
Agad na kumilos ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), Department of Social Welfare (MDSW) at Manila Police District para ilikas ang nabanggit na mga residente.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente, nasa higit 60 pamilya ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa Bldg. 18 covered court ng Brgy. 128.
Patuloy naman silang nakatatanggap ng tulong mula sa Manila LGU tulad ng pagkain, inumin at iba pang pangangailangan.
Bantay-sarado naman ng mga tauhan ng barangay at MPD ang lugar kung saan naganap ang pagguho ng lupa upang masigurong hindi muna babalik doon ang mga residente.
Wala namang nasaktan o nasawi sa nasabing insidente, ayon kay Dela Fuente. (JOCELYN DOMENDEN)
