BATANGAS – Wala nang buhay nang matagpuan ang isang 75-taong gulang na babae nang tangayin ng baha makaraang mahulog mula sa kanilang nagibang bahay sa gilid ng ilog sa Brgy. Gelerang Kawayan, sa bayan ng San Pascual sa lalawigan noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Dolores Cruz, residente ng nasabing barangay. Ayon sa report ng San Pascual Police, dakong alas-7:00 ng umaga nang mangyari ang insidente habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima kasama ang kanyang 65-taong gulang na asawa at 14-taong gulang na apo.
Bigla umanong bumigay ang perimeter wall ng katabi nilang compound ng isang ceramic factory dahil sa flash flood na dulot ng pag-ulan dala ng mga bagyo at habagat.
Nabagsakan nito at nawasak ang bahay ng pamilya na nakatayo sa pagitan ng ilog at ng pader.
Nahulog sa ilog ang lola at natangay ng agos ng baha habang nakaligtas naman ang kanyang asawa at apo.
Natagpuan ng retrieval team ng Bureau of Fire Protection-San Pascual, katuwang ang LGU at MDRRMO, ang bangkay ng biktima sa bahagi ng ilog sa Brgy. Ilat North papalabas na sa karagatan. (NILOU DEL CARMEN)
