KAALAMAN Ni Mike Rosario
ANO nga ba ang PhilGEPS? Bakit ito kinakailangan kapag gusto mong pumasok ng kontrata sa mga opisina ng gobyerno?
Ang PhilGEPS ay ang Philippine Government Electronic Procurement System.
Kung halos karamihan sa mga nagki-claim sa bawat pondo na dina-download sa mga infra project ay ang mga politiko, bakit tayo nagpo-post sa PhilGEPS?
Tanong ng ilan sa mga nakausap natin, “Ito ba ay pakita lamang?”
Sinubukan natin na saliksikin kung gaano ito kalalim at saan sila humuhugot ng lakas ng loob na magsalita?
May ilan sa kanila ang nanalo na sa bidding, take note, lowest bid, kumpletong papel, pero may nagsabi pa sa kanila na madi-disqualify daw sila sa post qualification, nangyari na nga, na-DQ sila.
What if ‘di ka nila ma-DQ kasi kumpleto naman ang papel mo, karamihan ay nagiging ‘failure of bidding’ dahil hahanap at hahanap sila ng butas sa ‘yo.
Interesado tayo sa ganitong topic, mga kababayan, ‘di naman lingid sa ating kaalaman na halos lahat ng budget ng isang ahensya ng gobyerno ay nasa infra at sa supplies.
Lahat ‘yan idinadaan sa bidding, pero kung ito ay kunwari o moro-moro lang, at mayroon na palang may-ari sa ibini-bidding, ay hindi maganda, malinaw na may korapsyon na nangyayari.
Ang masaklap dito ay napakalaking halaga ang hinihingi ng mga nangangasiwa sa bidding para lang manalo ka sa proyektong ibini-bidding.
Nauunang kinuha ng politikong ito ang SOP, ‘pag ‘di naibigay agad ay hahanapan sila ng ‘slippage’ at hindi sila makapapasa sa inspection.
Matatagalan din sila na makasingil dahil iniipit ang pondo, hanep talaga!
Masarap ang pakiramdam na makikita nating maraming kalsada, itinatayong mga flood control at mga rock netting, mga gusali.
Pero sa mga naririnig ko na sumbong at kwentuhan, nakakasama ng loob na halos ilang tao lang ang nakikinabang sa ganitong kalakaran.
Nagagamit ang mga proyekto na natatapos, pero sa kabila nito ay napakalaking halaga ang napunta sa bulsa ng mga huwad na politiko. Mga ganid sa pera, hindi nila iniisip ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Sa mga Civil Society Organization (CSO), sa mga BAC observer, sa mga kapatid natin sa media lalo na ang local media, maging mapagmatyag tayo, pigilan at isiwalat natin ang maling gawain na ito.
Ang budget para sa mga proyekto, ang pera ay galing sa taumbayan, kaya marapat lamang na mailagay ito sa tama at hindi sa bulsa ng iilan sa mga politiko.
Ang masakit dito ay walang magawa ang mga nakaupo lalo na ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil ba tinatakot sila at ipatatanggal sila sa kanilang pwesto?
oOo
Any reaction at suggestion, maaaring mag-text sa cell# 0945-269-4242.
