BAKUNA NA LANG ANG PAG-ASA

Isa sa mga idinadalangin ko araw-araw ay magkaroon na ng bakuna para sa COVID-19 dahil masyado nang malaking perwisyo ang idinulot ng virus na ito sa ating lahat.

Apat na buwan na tayong pinuperwisyo ng virus na ito na nagsimula sa China at lahat tayo ay naghihintay ng resulta ng pag-aaral ng mga eksperto ng mga posibleng gamot para dito.

Nakakainip ang maghintay at araw-araw ay nai-stress tayo na nagpapalala sa ating anxiety dahil hindi natin alam kung kailan tayo makakabalik sa normal na nating gawain bago sumabog ang COVID-19 na ito sa Wuhan City, China.

Kaya kung may nababasa akong breakthrough hinggil sa posibleng gamot sa coronarivus na ito ay nabubuhayan ako ng loob na darating din ang araw na maaalpasan natin ang magsubok na ito sa ating buhay.

Pero sana bilisan pa ng mga eksperto ang pagtuklas ng bakuna dahil habang tumatagal ay lalong lumalala ang kalagayan nating lahat. Kung apektado ang mga may kaya sa buhay, paano na lang yung mga mahihirap.

Lakasan pa natin ang ating panalangin na magkaroon na ng bakuna dahil hindi na natin kayang tumagal pa ang problemang ito. Kung magtatagal pa kasi ito, dalawa ang papatay sa atin, ang virus at ang gutom.

Kaya may mga kababayan tayo na pinipilit na lumabas at maghanapbuhay at kumita ng kahit konti noong kasagsagan ng enhance community quarantine ay dahil ayaw nilang mamatay sa gutom.

Aminin na natin, hindi kayang pakainin ng gobyerno ang lahat ng populasyon sa Pilipinas. 110 million na tayong lahat, hindi pa kasama dyan ang mga dayuhang nasa ating bansa sa kasalukuyan.

Malulumpo ang gobyerno kapag sya ang nagpakain sa ating lahat. Ngayong Hunyo nga lang, tinatayang aabot na sa P1.3 Trillion ang nawalan sa kaban ng bayan dahil sa pandemyang ito.

Yung ibinibigay na ayuda ng National Government na P5,000 hanggang P8,000 hindi yun kasya sa apat na buwan lalo na dun sa mga mahihirap nating kababayan na malalaki ang pamilya o maraming mga anak.

Kaya may mga tao na pilit na naghahanapbuhay dahil alam nilang hindi sila kayang pakainin ng gobyerno dahil kung kaya lang ng Pamahalaan na pakanin tayong lahat, wala sanang magugutom sa ating bansa.

Isinusugal ng mga taong ito ang kanilang kalusugan para malamanan ang kanilang kumakalam na sikmura… hindi ko sila masisisi dahil kailangan nilang mamili – mamatay sa gutom o mamatay sa virus.

Yun nga lang, kailangang maghigpit ang gobyerno para hindi na kumalat pa ang virus kaya hindi pinapayagan noon ang lahat ng lumalabas ng bahay at kontrolado pa rin ang kilos ng mga tao kahit medyo lumuwag na ngayong nasa ilalim na ng general community quarantine ang maraming lugar sa bansa lalo na ang Metro Manila.

Pagkontrol na lang kasi ang kayang gawin ng gobyerno dahil nandito na ang virus noong Enero pa, patunay ang unang COVID-19 case sa katauhan ng isang Chinese national na mula sa Wuhan.
Kailangang tiyakin ng gobyerno na makontrol ang pagkalat ng virus dahil kung hindi ay lalong lalala ang ating situwasyon at matatapos lamang ito kapag may gamot na natuklasan para dito.

174

Related posts

Leave a Comment