IPINALIWANAG Health Usec. Maria Rosario Vergeire kung bakit kailangan pa ring hintayin ng AstraZeneca ang Emergency USe List o EUL na mula sa World Health Organization (WHO) bago ito tanggapin ng COVAX facility.
Sa Laging Handa Briefing, sinabi ni Vergeire na isa sa mga basehan o kondisyon ng COVAX facility para tanggapin ang AstraZeneca at isama sa mga bakunang ipamamahagi sa iba’t ibang bansa ay dapat na may maipakita silang EUL mula sa WHO.
Ani Vergeire, internationally accepted kasi sa buong mundo ang EUL na puwedeng gamitin kahit saang bansa.
Nilinaw rin ni Vergeire na iba ang Emergency Use Authorization EUA sa EUL dahil ang EUA ay nire-require ng bawat bansa bago tanggapin ang anomang bakuna.
o0o
DOH TINIYAK NA NAKATUTOK
SA COVID SURGE SA 2 LUGAR
TINIYAK ng Department of Health (DOH) na kanilang masusing minomonitor ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa Cordillera Administrative Region (CAR) at sa rehiyon ng Davao o sa Region XI.
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sa katunayan ay nagbigay na ng assistance ang DOH at ang National Task Force Against COVID-19 para mapigilan ang pagkalat pa ng virus sa mga naturang lugar.
Ginawa ni Vergeire ang pahayag matapos makita ang pagtaas ng utilization ng healthcare services, partikular na sa mga bed capacity na ginagamit ng covid patients.
Pero pagtitiyak ni Vergeirre, maigting ang ginagawa nilang pagmomonitor sa CAR at Davao Region upang mapigilan ang paglala ng kaso ng COVID-19 sa mga lugar na ito.
o0o
PAG-AARAL SA COVID
VARIANTS PINAIGTING
MAS pinaigting na pag-aaral ang isinasagawa ngayon ng mga health expert ng bansa kasunod ng ulat na may isa umanong pasyente sa Brazil na nakitaan ng higit sa isang klase ng variant ng COVID-19.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, ongoing ang ginagawa nilang pagsusuri sa nasabing kaso para malaman kung ano ang magiging implikasyon nito sa bansa.
Noong nakaraang linggo lamang, ani Vergeire, nagkaroon ng pag-uusap ang Task Force on COVID-19 Variants at ang mga eksperto ng bansa kung saan inihayag na mayroon talagang posibilidad na magkaroon ng dalawang klaseng variant ang isang tao.
Subalit, sinabi ni Vergeire na wala pa ring naitatalang ganitong kaso sa Pilipinas kung pagbabasehan ang resulta ng mga isinagawang test.
Nabatid na may 17 kaso ng new variant ng COVID-19 sa bansa. (CHRISTIAN DALE)
174
