NAGLABAS ng paglilinaw kahapon si Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr., hinggil sa kontrobersyal na balasahang ipinatupad niya kamakailan na kinasasangkutan ng may 30 police officers kabilang ang command group.
Ayon kay Gen. Azurin, hindi ito ang unang pagkakataon sa police organization na ginalaw ang mga police officer na nasa top key position.
Nakatakdang makipag-usap sa Napolcom si Azurin para maplantsa ang kontrobersya.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang pagsibak niya kina Lt. Gen. Rhodel Sermonia at Lt. Gen. Vicente Danao ay bahagi lamang ng kanyang policy of flexibility.
Binigyan din niya umano ng pagkakataon sina Gen. Sermonia, ang No. 2 man sa PNP na inilagay sa Area Police Command-Visayas at Gen. Danao, No. 3 at naging OIC pa ng PNP sa loob ng tatlong buwan, na inilagay sa APC Western Mindanao na pangasiwaan at palakasin ang Police Regional Offices at para makapagpakitang gilas.
Magugunitang mabilis na kumalat sa loob ng PNP ang umano’y demoralisasyon sa hanay ng ilang senior police officer nang ikasa ang sibakan maging ang mga nasa command group.
Ito ay bunsod ng lumabas na “Special Orders Number NHQ-SO-URA-2022- 40266” na naglalaman ng pagsibak sa puwesto kina Sermonia at Danao na sinasabing na-demote o ibinaba ni Azurin ng ranggo.
Ito umano ang kaunaha-unahang pagkakataon na ang mismong nasa Top Brass ng PNP ay sinibak at ibinaba ng posisyon bilang Area Police Command ng Southern Visayas at Western Mindanao Region.
Sa resolusyong nilagdaan ni Napolcom Chairman at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., noong Agosto 9, pinaalalahanan ang PNP na dapat ay isinusumite muna nila sa Napolcom para makumpirma ang promosyon ng mga 3rd level official alinsunod sa umiiral nilang circular. (JESSE KABEL)
253 