BALIK-REHAS SA PINALAYA NG GCTA MALAKING HAMON SA PNP

albayalde

(NI AMIHAN SABILLO)

INAMIN ng Philippine National Police (PNP) na malaking hamon para sa PNP ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa kulungan ang mga ex-convict na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde,  aniya,  masyado marami ang mahigit 1,000 mga preso na nakalaya kung kaya magiging matrabaho ito para sa pulisya.

Magkaganunman ay sinabi ni Albayalde na inatasan nya na ang Criminal Investigation and Detection Group na manguna sa manhunt operation sa mga ex-convict.

Pinakikilos na din umano ang mga police regional office na i-account ang lahat ng mga lalapit sa kanila para sumuko.

Pagdating naman sa shoot to kill order, nilinaw ni Albayalde na gagawin nila ito pero sa kondisyon na kung manlalaban ang mga ex-convict.

Samantala, nanawagan naman ang hepe ng PNP sa mga ex-convict na sumuko sa loob ng 15 araw na grace period dahil kung hindi ay agad silang aarestuhin.

Hinikayat  din ang publiko na makipagtulungan sa kanila at tumawag sa 911 o sa 09178475757 sakaling may nalalamang impormasyon sa lokasyon ng mga ex-convict.

Sa ngayon, wala pang kumpletong listahan ang PNP sa mga nakalayang preso at lokasyon nila.

AFP,  HANDANG TUMULONG SA PNP, DOJ 

Handa ang AFP na tulungan ang PNP, DOJ at iba pang concerned agencies sa pag-aresto sa halos 2000 presong pinalaya dahil sa GCTA law.

Ayon kay AFP Spokesperson Bgen. Edgard Arevalo na “commitment” ng AFP na tiyaking ligtas ang mga komunidad at umiiral ang hustisya, sa pagpapatupad nila ng kanilang mandato na ipagtanggol ang mga mamayan at ang estado.

Ang pahayag ni Arevalo ay matapos na atasan ng Pangulo kagabi ang pulis at militar na arestuhin ang mga naturang preso kung hindi boluntaryong susuko ang mga ito sa loob ng 15 araw.

Una nang inamin ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na magiging malaking hamon sa PNP ang pagpapatupad sa utos ng Pangulo dahil sa malaking bilang ng mga tutugisin na ‘dangerous criminals’.

Pero nagpahayag naman ng kumpiyansa ang PNP chief na makakatulong sa kanila ang militar at iba pang concerned government agencies.

269

Related posts

Leave a Comment