Balintawak Market naparalisa TIGIL PALENGKE DAY IKINASA NG VENDORS

NAGDEKLARA ng Tigil Palengke Day ang mga vendor ng Balintawak Cloverleaf Market Association nitong Huwebes ng umaga bilang iprotesta sa umano’y hindi maayos na pamamahala ng bagong market administrators na sina Connie Asuncion, Roberto de Guzman at Judge Miguel Asuncion.
Dakong alas-7:30 ng umaga nang huminto sa pagtitinda ang mga opisyal at miyembro ng asosasyon na nakaapekto sa mga mamimili, partikular na sa mga negosyanteng humahango ng kanilang paninda.
Isa sa inirereklamo ng mga vendor ay kahit noong kasagsagan ng pandemic, tatlong ulit na itinaas ang kanilang arawang upa kahit wala umanong pasabi sa kanila.
Isa rin anila ito sa dahilan kung bakit biglang nagtaasan ang presyo ng bilihin sa Balintawak Market.
Ang Balintawak Cloverleaf Market ang isa sa pinakamalaking palengke sa bansa na kilala rin sa pagiging ‘bagsakan’ ng mga produktong mula sa Baguio, Pangasinan, Batangas at iba pang probinsiya.
Ayon kay Balintawak Cloverleaf Market Association President Miguelito Mangunay, tinangka nilang makipag-usap sa mga may-aring sina Roberto De Guzman at Judge Miguel Asuncion upang pag-usapan ang samu’t sari nilang karaingan, ngunit hindi ito nangyari.
Sinabi nilang wala rin umanong naipakitang bagong lease of contract sa mga vendor ang mga bagong may-ari. Bukod dito, inirereklamo nila ang pangit na pasilidad, sewerage treatment at iba pang pangangailangan ng mga tindero’t tindera ng palengke.
Nasa ilalim ng bagong pamamahala ang Balintawak Market, ngunit wala umanong pakikipag-ugnayan na isinagawa para sa kanila.
Bukod dito, iniimbestigahan na rin umano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nasabing palengke dahil sa kabiguang magbayad ng buwis.
Ang masaklap, ayon pa sa mga nagrereklamo, wala rin umanong Market Permit at Business Permit mula sa pamahalaang lokal ng Quezon City.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Quezon City Market Development and Admin head retired Colonel Popoy Lipana na minsan nang nagtangkang mag-apply ng permit ang Balintawak Market, ngunit hindi na ito nangyari.
Nakahanda naman ang pamahalaang lokal na tumulong upang maayos ang problema upang hindi na makaapekto sa mga vendor at hindi na rin madamay ang mga mamimili, partikular na sa pagtaas ng presyo ng bilihin.
Mahigit 1,200 vendors ang sumali sa Tigil Palengke Day at nangakong ipagpapatuloy ito hangga’t hindi nila nakakamit ang kanilang panawagan.
Para sa kanila, ang bagong pamunuan ng palengke ay hindi natutugunan ang kanilang pangangailangan.
351

Related posts

Leave a Comment