1.7K WANG-WANG, SIRENA NAKUMPISKA

UMABOT sa 1,707 sirena, blinker at iba pang ipinagbabawal na accessories ng sasakyan ang nakumpiska sa iba’t ibang operasyon sa buong bansa ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).

Nabatid kay HPG chief Gen. Alan Nazarro na ang mga bagay na ito ay nasamsam mula Marso 25 hanggang Abril 22, alinsunod sa Presidential Decree (PD) 96, na nagbabawal sa paggamit ng mga blinker, sirena, at iba pang kaugnay na kagamitan para sa mga pribadong sasakyan.

Ayon pa sa opisyal, kabilang sa mga nakumpiska ang 957 light-emitting diode (LED) lamp, 300 blinkers, 179 fog lights, 134 modified muffler, 78 horns, 48 strobe lights at 11 sirena.

Sa hiwalay na panayam sa Camp Crame, tiniyak ni HPG Special Operations Division chief Col. Joel Casupanan na walang sagradong balakid sa kanilang pagsugpo sa mga ilegal na kagamitang ito. Karamihan aniya sa mga nasamsam ay mula sa mga operasyon sa Calabarzon, Davao Region at Caraga.

“Ang karamihan kasi yung LED light. Noong inallow sila ng LTO (Land Transportation Office) lalo na sa mga motorsiklo na pwedeng maglagay with certain specifications, dinagdagan or sumobra yung inilagay nilang auxiliary lights kaya nako-confiscate,” paliwanag pa nito.

Samantala, sinabi ni Casupanan na karamihan sa mga motorista ay nag-aalis ng mga accessories na ito sa sandaling mahuli sila sa unang paglabag. Ang ikalawang paglabag ay mapapatawan ng parusang hanggang anim na buwang pagkakulong, multang PHP600 at pagbawi ng lisensya sa pagmamaneho at pagpaparehistro ng sasakyan.

Paliwanag pa ng PNP ang pagsugpo sa “wang wang” at iba pang accessories ay pinalakas dahil sa inilabas na Administrative Order (AO) No. 18 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na gumamit ng mga sirena, blinker at iba pang katulad na signaling o flashing device.

Exempted sa pagbabawal ang mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), PNP, fire trucks, hospital ambulances at iba pang emergency vehicles. Nauna nang sinabi ng PNP na hahabulin din nito ang mga nagbebenta ng mga device na ito.

(PAOLO SANTOS)

48

Related posts

Leave a Comment