BOHOL – Isa ang patay at isa ang kritikal matapos ma-suffocate habang naghuhukay ng ginto sa Brgy. Can-Upao, sa bayan ng Jagna sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Allan Villanueva, 48, habang nasa malubhang kalagayan ang kasama nitong si Rodel Perez.
Ayon sa report ng Jagna Police, nangyari ang insidente dakong ala-2:30 ng hapon sa bahay ng isang residenteng si Richard Aclan, kung saan naghukay ang mga biktima ng 15 metro ang lalim para umano sa mga gintong nakabaon sa lugar.
Subalit may tinamaan ang mga ito na isang bagay sa ilalim na naging dahilan ng pagsabog at pagsingaw ng isang uri ng nakalalasong kemikal naging dahilan upang ma-suffocate si Villanueva at nahulog sa hukay.
Tinangka itong saklolohan ni Perez subalit nakalanghap din ito ng lason at kasunod ding nahulog.
Matapos mawala ang amoy, sinaklolohan ng mga residente ang dalawa at isinugod sa Teodoro Galagar District Hospital subalit wala nang buhay nang idating si Villanueva.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung ano ang ikinalason ng dalawa.
Samantala, wala pang pahayag ang LGU hinggil sa pagmimina na ginagawa ng mga lokal sa naturang bayan.
Base sa Republic Act 7076, sinasabing ilegal ang pagsasagawa ng small-scale mining kung walang proper na mga dokumentasyon katulad ng mining permit mula sa mga kinauukulan.
(NILOU DEL CARMEN)
286