1 PATAY, 4 SUGATAN, 2 MISSING SA SUNOG SA MAYNILA

ISA ang patay habang apat na iba pa ang nasugatan at dalawa ang nawawala makaraang sumiklab ang sunog nitong Linggo ng madaling araw kaya naantala ang biyahe ng Light Rail Transit Line 2 (LRT 2) sa Claro M. Recto Avenue, Sta. Cruz, Manila

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng indibidwal na sinasabing namatay dahil sa sunog, gayundin ng nawawalang mga biktima.

Samantala, ang mga nasugatan naman ay kinilalang sina Danilo Roque, 29; Neil Royo, 26; Raquel Baylos, 34, at Welma Norbais, 61-anyos.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas-2:49 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa Oroquieta St., sa Sta. Cruz.

Tinatayang umabot sa 1, 200 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na sinasabing nagsimula sa isang paupahang gusali na pagmamay-ari ng isang Joker Flores at inookupa ng isang Balong Flores.

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog, na tumupok sa tinatayang aabot sa 600 bahay bago idineklarang under control dakong alas-6:43 ng umaga at tuluyang naapula dakong 12:04 ng tanghali.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy na tumupok sa tinatayang umabot sa P1.5 milyong halaga ng mga ari-arian. (RENE CRISOSTOMO)

191

Related posts

Leave a Comment