2 MAG-ASAWA PINATAY

QUEZON – Patay ang mag-asawang magsasaka matapos pagbabarilin ng hindi kilalalang mga suspek sa kanilang bukid sa Brgy. Dancalan Central, sa bayan ng Guinayangan sa lalawigan noong Sabado ng umaga.

Kapwa may mga tama ng bala sa ulo, dibdib at iba pang bahagi ng katawan ang mag-asawa na agarang ikinamatay ng mga ito.

Kinilala ng Guinayangan Police ang mga biktimang sina Randy Pedregal, 46, at Analisa, 50-anyos.

Ayon sa report ng pulisya, nagkokopra ang mag-asawa sa kanilang niyugan sa may bulubunduking lugar ng Dancalan Central nang barilin ng hindi matukoy na bilang ng mga suspek dakong alas-9:00 ng umaga.

Samantala, Nakagapos at wala nang buhay nang matagpuan ang mag-asawang negosyante sa kanilang bahay sa Darasa, Tanauan City sa lalawigan ng Batangas, noong Sabado ng umaga.

Kinilala ang mga biktimang sina Allen John Umali, 38, at Khegzy Badillo Umali, 38, mga negosyante ng travel and tours at trucking and shuttle services business.

Batay sa report ng Tanauan City Police, nadiskubre ng babaeng kapatid ng napatay na ginang, ang pangyayari nang magtungo sa bahay ng mga biktima matapos na hindi sumagot sa kanilang tawag sa cellphone at text message ang mag-asawa mula pa noong Biyernes.

Laking pagkamangha nito nang mabuksan ang bahay ng mga biktima sa Ciudad Victoria Homes Subd., Brgy. Darasa at makitang kapwa wala nang buhay ang mga biktima na nakagapos sa duct tape sa kanilang kuwarto sa ground floor ng bahay.

(NILOU DEL CARMEN)

95

Related posts

Leave a Comment