2 PANG PERSONS OF INTEREST TINUKOY SA MSU BOMBING

UMAKYAT na sa apat ang itinuturing na person of interest ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa naganap na pagpapasabog sa loob ng Mindanao State University sa Marami City.

Nabatid na bukod sa naunang dalawang tao na tinukoy na persons of interest (POI) sa isinasagawang imbestigasyon ng PNP na may kaugnayan sa pagpapasabog ng hinihinalang Improvised Explosive Device sa MSU, ay nadagdagan pa umano ito ng dalawa.

Base sa nakalap na mga impormasyon at ilang video footages, may dalawa pa umanong kasabwat ang mga ito na nagsilbing look-out.

Ayon kay PNP PIO chief, PCol. Jean Fajardo, ang dalawang POI ay natukoy ang pagkakakilanlan matapos silang positibong kinilala ng church goers o mga testigo.

Magugunitang patuloy ang massive operation ng PNP kasunod ng naganap na Marawi blast, sa layuning kilalanin at tugisin ang mga responsable sa bomb attacked sa loob ng MSU Gym habang may nagaganap na Advent mass noong Linggo ng umaga.

Kinilala ng mga testigo ang sinasabing mga POI matapos na pakitaan sila ng mga larawan ng mga imbestigador .

Patuloy na tinutugaygayan ng mga awtoridad ang sinasabing mga POI na pansamantalang hindi muna kinilala habang patuloy ang ginagawang case build-up.

Sinasabing may kaugnayan ang mga ito sa isang local terrorist group sa Mindanao na mayroon nang kasong kriminal na kinasasangkutan.

Samantala, umaapela ang PNP sa publiko na maging mahinahon at iwasang gumawa ng mga akusasyon kaugnay sa nangyaring pag-atake ng mga terorista sa campus ng Mindanao State University.

Hindi rin umano makatwirang ituro ang pangyayari sa sinoman o anomang grupo base sa kanilang prinsipyo, paniniwala o pananampalataya.

Ito ay dahil unang kumalat sa social media ang mga post na umano’y religious war ang dahilan ng nangyaring pagpapasabog sa MSU.

Subalit sa likod nito ay inatasan ng PNP leadership ang ground commanders na paigtingin ang target hardening sa maituturing na mga soft target partikular na sa mga simbahan.

Subalit nilinaw ng PNP, ito’y hindi lamang dahil sa pagpapasabog na nangyari sa MSU kundi bahagi ng security measures sa panahon ng kapaskuhan.

Pinasisiguro ng PNP chief ang pinalakas na police visibility sa mga simbahan sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa darating na Disyembre 16.

Pinatutukan din ng PNP chief ang pagbabantay sa mga matataong lugar tulad ng mga commercial center at tourist spots.

Nilinaw naman ni Fajardo na walang namo-monitor na seryosong banta ang PNP sa Metro Manila at ang paghihigpit ng seguridad ay pagpapatuloy lang ng pro-active stance ng PNP.

(JESSE KABEL RUIZ)

 

134

Related posts

Leave a Comment