2 PATAY SA PAMAMARIL SA LOOB NG BUS

NUEVA ECIJA – Patuloy ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring pamamaril na ikinamatay ng dalawang pasahero ng tumatakbong Victory Liner bus sa bayan ng Carranglan sa lalawigang nito, noong Miyerkoles ng hapon.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Vincent Castañeda ng Carranglan Police, may lead na sila sa kaso, bagama’t hindi pa aniya pwedeng ilabas habang patuloy pang nangangalap ng iba pang mga impormasyon.

Hawak na rin nila ang dash cam video kung saan nakita ang pamamaril ng dalawang suspek na isang naka-camouflage at isang naka-face mask.

Kinilala ang dalawang biktima na ang mag-kalive-in na sina Gloria Quillano, 60, at Arman Bautista, 55, mga tubong Koronadal, South Cotabato, at residente ng Cauayan City, Isabela.

Sumakay ang dalawa sa Cauayan City sa southbound bus na biyaheng Sampaloc, Manila, habang sumakay naman ang mga suspek sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Habang binabaybay ng bus ang bulubunduking bahagi ng highway sa Barangay Minuli, nang mula sa hulihan ng bus ay magkasunod na naglakad ang dalawang suspek at pinaputukan ang mga biktima.

Kapwa dead on the spot ang mga ito dahil sa mga tama ng bala sa ulo at leeg.

Matapos ang pamamaril ay inutusan ng dalawang gunman ang driver na ihinto ang bus malapit sa ilog at agad na bumaba ang mga ito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

424

Related posts

Leave a Comment