2 SUSPEK SA NATAGPUANG BABAE SA KAHON, NABITAG

ARESTADO ang isang lalaki na nagtapon umano ng bangkay ng isang babae na inilagay sa kahon, gayundin ang mastermind sa krimen, noong Sabado ng gabi sa Masuwerte Street, Barangay 109, Tondo, Manila.

Sa pamumuno ni Police Major Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District – Criminal Investigation Section (CIS), kasama ang mga tauhan ni Police Captain Dennis Turla ng MPD – Homicide Section, natimbog ang suspek matapos magsagawa ng back tracking ang mga pulis sa kahabaan ng Maswerte St. noong Sabado ng gabi.

Ayon kay MPD Director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, unang naaresto ng mga awtoridad ang isang rider na si alyas “Mel” na umano’y nagtapon sa nasabing kahon na may lamang katawan ng isang babae.

Kasunod nito, inginuso ng suspek ang sinasabing mastermind sa krimen, na umano’y nag-utos sa kanya na itapon ang nasabing bangkay sa nabanggit na lugar.

Ang bangkay ng biktimang natagpuang nasa loob ng kahon, ay nakabalot ng packaging tape ang buong katawan, may mga sugat sa leeg na tanda ng pagkakasakal, at nakabaluktot ang mga paa hanggang sa dibdib.

Ayon sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, isang tricycle driver ang nakapansin sa kahon sa madilim na lugar at nang buksan ito ay natuklasang naglalaman pala ng bangkay ng isang babae.

(RENE CRISOSTOMO)

41

Related posts

Leave a Comment