22M TONELADANG BASURA NAKOKOLEKTA SA PINAS KADA TAON

NAKAPAGPO-PRODUCE ang Pilipinas ng 22 milyong tonelada ng basura kada taon.

Ang Kalakhang Maynila ang nangunguna sa listahan ng waste producers na may 3.65 milyong tonelada.

Tinukoy ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang data mula sa National Solid Waste Management Commission, nanawagan sa publiko na suportahan ang “Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan (KALINISAN) sa Bagong Pilipinas” program ng administrasyon.

Kamakailan lamang, pinangunahan nina Abalos at Navotas City Mayor John Reynald M. Tiangco ang 500 Navoteños na nakiisa sa maagang cleanup activity sa Barangay Daanghari Coastal Dike sa pagbigkas ng ‘pledge of commitment’ para sa mga cleaner community.

Sa ulat, sinasabing sa Navotas City lamang ay nakakokolekta ng 28,193 tonelada ng basura taun-taon, pangunahin dito ay plastic na napupunta sa karagatan.

Ani Abalos, ang mga basurang hindi napipigilan sa daluyan ng tubig na napupunta sa mga karagatan ay maaaring makasira sa marine life o buhay dagat at produkto at nagreresulta ng higit na kakaunting huli ng mga mangingisda.

Para naman kay Tiangco, bagamat mayroong 72 pumping stations ang Navotas City, mahalaga aniya ang regular weekly coastal cleanup para mapanatili na flood-free ang lungsod.

Nito lamang Enero ng taong kasalukuyan, matagumpay na nailunsad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan (KALINISAN) program.

Alinsunod ang programang ito sa Memorandum Circular No. 001-2024 ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Unang inilunsad ang KALINISAN program sa pamamagitan ng national simultaneous clean-up drive sa Baseco Compound sa Manila, kasabay sa pagdiriwang ng Community Development Day noong January 6, 2024.

(CHRISTIAN DALE)

42

Related posts

Leave a Comment