2K LOTTO OUTLETS ISINAKRIPISYO SA E-LOTTO?

TINANGGALAN ng Philippine Charity Sweepstake Office (PSCO) ng hanapbuhay ang may 2,000 agent nito dahil sa online lotto o e-lotto.

Sa pagdinig ng House committee on ways and means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda na hindi dinaluhan ni PCSO General Manager Mel Robles, halos maiyak sa sama ng loob ang ilang lotto agents na tinanggalan ng hanapbuhay.

“Biglang isinara ang mga lotto outlet na ito para pagbigyan ang e-lotto,” paniniwala ni Clariza Imperial, isa sa 2,000 lotto agents na ipinasara.

Sa pahayag naman ni Remeliza Gabuyo, assistant general manager ng PCSO, ipinasara aniya ang 2,000 sa 8,500 lotto outlets dahil sa underperformance o hindi naabot ang sales quota.

Gayunpaman, hindi ito bumenta kay Marikina Rep. Stella Quimbo dahil nagdesisyon umano ang PCSO management na ibaba sa 6,500 ang mga outlet mula sa dating 8,500 na idinadahilan na lamang ang underperformance.

Kalaunan ay inamin din ni Atty. Kat Tantaco na ang dahilan kung bakit tinerminate ang kontrata ng 2,000 lotto agents ay dahil sa ipinatutupad na bagong sistema ng PCSO o ang e-lotto.

“The reason why around 2,000 agents were terminated was because of implementation of Philippine Lottery System (PLS),” ani Tantaco.

Lumalabas na sinimulang ipatupad ang PLS noong December 2023 kung saan maaaring tumaya sa electronic lotto na hindi na kailangang pumunta sa mga outlet.

Sa reklamo ni Imperial, wala silang natanggap na due process sa pagpapasara sa kanilang mga outlet at marami umano sa kanila ay tatlong buwan pa lamang nag-o-operate at may kontrata sa mga pribadong sektor kung saan itinayo ang kanilang outlet.

“Sana kinausap nila kami, sana inopen nila ang channel nila for us kasi kami po ang nasa baba eh. Kami yung kumuha ng mga tao. Hindi nila alam ang estado namin. Kami ang humaharap sa mga tao lalo na yung mga tellers namin,” ani Imperial.

(BERNARD TAGUINOD)

41

Related posts

Leave a Comment