NASA LIKOD NG PEKENG ‘PI’ PINAKAKASUHAN

HINIKAYAT ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang Senado na pag-aralan ang mga posibleng legal na aksyon laban sa mga mastermind ng pekeng People’s Initiative para sa Cha-cha.

Ginawa ni dela Rosa ang pahayag matapos ang unang pagdinig kaugnay sa mga kontrobersya sa PI.

Sinabi ni dela Rosa na bagama’t sinuspinde ng Comelec ang lahat ng proseso kaugnay sa PI, kailangan pa ring matukoy ang mga responsable sa panloloko sa publiko para makapangalap ng lagda para sa tinawag niyang Politicians’ Initiative.

Sa sandali anyang matukoy ang mga may pakana ng pekeng PI ay maaari nang isama sa rekomendasyon ng komite ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga ito.

Iginiit ni dela Rosa na dapat matuldukan ngayon ang ganitong uri ng panloloko upang hindi na maulit sa mga susunod na henerasyon.

Hinikayat din ni dela Rosa ang publiko na bawiin ang kanilang pirma kung pinilit lamang sila o pinangakuan ng ayuda.

Legalidad Kukwestyunin

Kaugnay nito, isinulong sa Senado ang isang resolution na nagbibigay awtorisasyon kay Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na maghain ng anomang legal na hakbangin upang kwestyunin ang constitutionality, legalidad at validity ng kontrobersyal na people’s initiative para sa Cha-cha.

Ang Senate Resolution 920 ay inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva subalit nagsilbing co-author ang lahat ng senador.

Binibigyang awtorisasyon din sa resolution si Zubiri na hingin ang serbisyo ng mga abogado para sa paghahanda ng kaukulang aksyon at ng lahat ng kaugnay na pleadings at argumento sa pagharap sa korte.

Binanggit sa resolusyon ang mga naging ruling ng Korte Suprema na nagdeklarang hindi sapat ang Republic Act No. 6735 o ang Initiative and Referendum Act para saklawin at gamitin ang sistema ng people’s initiative sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Sa pagdinig ng Senate committee on electoral reforms kahapon, ilang legal luminaries ang nagsabi na hindi uubrang gamitin ang people’s initiative bilang paraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas dahil hindi sapat ang batas ukol dito.

(DANG SAMSON-GARCIA)

113

Related posts

Leave a Comment