PRANGKISA ‘DI NA MABABAWI NG OPERATORS SA KOOPERATIBA

HINDI na mababawi ng mga operator at driver ng Public Utility Vehicle (PUV) ang kanilang prangkisa kapag sumali sa kooperatiba o korporasyon.

Ito ang inamin ng mga kinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on transportation sa problema sa nasabing programa.

Sa pagtatanong ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, sinabi ng kinatawan ng LTFRB na hindi maaaring bawiin ng isang operator o driver ang kanyang prangkisa sa sinalihang kooperatiba o korporasyon kapag nagbago ang isip nito o kaya tinanggal siya sa kanilang organisasyon.

Ayon kay Manuel, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga operator at tsuper na sumali sa kooperatiba o korporasyon. Ito aniya ang problemang tila iniiwasan ng gobyerno.

Samantala, inirekomenda naman ni Bulacan Rep. Dominique Pancho na humingi ng audience kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para personal nilang iparating ang totoong problema sa nasabing programa.

Ginawa ng mambabatas ang rekomendasyon sa chairman ng komite na si Antipolo City Rep. Romeo Acop dahil naniniwala ito na hindi sinasabi ng LTFRB kay Marcos ang mga problema sa programa.

Hindi kuntento si Pancho sa tatlong buwang ekstensyon sa nasabing programa para bigyan ng sapat na pagkakataon ang mga operator at drivers na mag-consolidate.

“Nag-extensyon tayo pero ang problema ay nananatili….papaano ireresolba ang mga problemang nakita natin sa programa. Hindi niyo sinabi sa Pangulo ang problema,” ani Pancho sa LTFRB.

Samantala, sa labas ng Kongreso ay sinabayan ng mga operator, drivers at iba militanteng grupo ang pagdinig ng komite para iprotesta ang nasabing programa.

“Cha-cha ni Marcos ang dapat iphase-out hindi ang jeepney,” ang kabilang sa sigaw ng mga raliyista sa labas ng Batasan Pambansa.

(BERNARD TAGUINOD)

38

Related posts

Leave a Comment