CAVITE – Halos P300,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong arestadong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang mga arestado na sina Eduardo Flores y Nidoy, Cindy Salcedo y Gumapac, at Nasroden Naga y Sultan, 27-anyos.
Unang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEU), Cavite Police Provincial Office (PPO) at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Dasmariñas City Police sa Brgy. San Miguel 2, Dasmariñas City, Cavite dakong alas-5:20 ng hapon noong Linggo na nagresulta sa pagkakaaresto kina Flores at Salcedo.
Nakuha sa kanila ang tinatayang 10 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P69,000 at buy-bust money.
Dakong alas-9:00 ng gabi naman noong Linggo nang muling nagsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Santa lucia Dasmariñas, City, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Naga at nakumpiska ang tinatayang 30 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P207,000 at buy bust money.
May kabuuang P276,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa magkasunod na buy-bust operations. (SIGFRED ADSUARA)
