3 PATAY SA KINAING BUTETE SA ALBAY

ALBAY – Tatlong magkakapamilya ang binawian ng buhay matapos malason sa kinaing puffer fish o butete sa bayan ng Libon sa lalawigan noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Tirso Concepcion, 47, ang asawa nitong si Marissa Concepcion, 46, gayundin ang kanilang manugang na si Louise Lucañas, 36, pawang mga residente ng Tambo, Libon.

Apat pang kapamilya nila ang nagpapagaling sa ospital matapos makaramdam din ng mga sintomas ng pagkalason sa butete.

Ayon sa report ng Libon Police, inulam ng pitong mga biktima noong Miyerkoles ang kanilang nahuling butete dakong alas-11:00 ng umaga.

Subalit matapos ang pananghalian, nakaramdam ang mga ito ng pagkahilo at pagsusuka.

Agad dinala ang mga ito sa Pantao District Hospital subalit binawian ang tatlo.

Inilipat naman ang apat sa Bicol Regional Hospital and Medical Center, (BRHMC) upang mas mabigyan ng tamang lunas.

Nabatid sa imbestigasyon na niluto agad ng pamilya ang nahuling mga butete nang hindi inaalis ang lamang loob nito.

Nagbabala naman ang Department of Health na hindi maaaring kainin ang isdang butete sapagkat ito ay nakalalason at maaaring ikamatay.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment