3 TAON PA BAGO BUMABA PRESYO NG BIGAS – DA

(BERNARD TAGUINOD)

POSIBLENG abutin pa ng tatlong taon bago maibaba ang presyo ng bigas sa bansa subalit hanggang bente (20) porsyento lamang mula sa kasalukuyang halaga nito.

Ito ang inamin ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel sa pagdinig ng House committee on agriculture sa panukalang amyendahan ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law.

Sa interpelasyon ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, direkta nitong tinanong si Laurel kung kailan pwedeng bumaba ang presyo ng bigas lalo na kung maipatupad ang mga pagbabagong gagawin ng Kongreso sa nasabing batas.

“Mahirap magsalita dyan Mr. Chair,” sagot ni Laurel kung saan ipinaliwanag nito na maraming dahilan kung bakit mataas ang presyo ng bigas tulad ng kaso ng fertilizer na 20% ang itinataas ng halaga dahil sa transportasyon.

Ayon sa Kalihim, hindi direktang ibinababa sa bawat probinsya ang mga inaangkat na abono kaya kapag ibinenta sa mga magsasaka ay napatungan na ng 20 percent.

“It’s a whole concept Mr chair. Pwedeng bumaba. Maayos natin ang port, maayos natin ang post harvest. I essence if we can get all of this in place I think we can bring down price of rice at least twenty percent after 3 years,” ani Laurel.

Kinuwestiyon naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang National Food Authority (NFA) matapos hindi gamitin ang P8 billion pondo ng mga ito na pambili ng bigas para sa buffer stock.

Hindi rin umano napakinabangan ang 2023 Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na umaabot sa P19 billion at P27 billion para sa rice program kaya hindi nakapagtataka na mabagal ang pag-unlad ng rice industry sa bansa.

Samantala, umaasa naman ang liderato ng Kamara na maipapasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga amendment sa RTL law bago ang sine die sa Marso 22 matapos itong sertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang urgent bill.

“The certification of this bill as urgent by President Marcos is a critical step forward in our concerted efforts to improve the livelihood of our local farmers and ensure food security for all Filipinos,” ani House Speaker Martin Romualdez.

Kahapon ay sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na sesertipikahan niya bilang ‘urgent’ ang panukalang amyendahan ang RTL para mas maibaba ang presyo ng bigas sa bansa.

“Yes, I think it justifies the urgent certification,” ang pahayag ng Pangulo sa isang media interview kasunod ng kanyang pagdalo sa 2024 GOOCs’ Day at the Philippine International Convention Center sa Pasay City.

“Ang problema kasi kaya tumataas ang presyo ng bigas dahil ang mga trader ay nagko-compete. Pataasan sila ng presyuhan sa pagbili ng [bigas] at wala tayong control doon,” paliwanag ng Pangulo.

Aniya pa, maaaring impluwensiyahan o kontrolin ng gobyerno ang presyo ng bigas kung masisimulan ang pag-amyenda sa rice tariffication law partikular na sa pagbili ng palay at pagbebenta ng bigas sa publiko.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

65

Related posts

Leave a Comment