34 KASO NG PAGKALUNOD NAITALA NG PNP

MAY 34 kaso ng drowning incidents ang naitala ng Philippine National Police, at pinangangambahang madagdagan pa ang 29 na bilang ng nasawi sa pagkalunod dahil sa tatlo katao pa ang idineklarang nawawala nitong Semana Santa.

Sa datos ng PNP nitong paggunita ng Mahal na araw, 29 na ang naitalang nasawi dahil sa pagkalunod habang may tatlong indibidwal pa rin iniulat na missing o hinahanap pa.

Wala namang naitalang malalaking krimen ang PNP sa panahon ng Semana Santa kung saan may 56 reported Holy Week-related incidents kabilang ang 34 na may kinalaman sa pagkalunod.

Lumilitaw sa datos na karamihan sa naitalang drowning incidents ay sa beach resorts, private resorts at ilang kaso rin sa mga ilog.

Sinasabing may pinakamaraming drowning incident sa CALABARZON na may 10, sinundan ng Ilocos Region at Cagayan Valley na may tig-anim at lima naman sa Bicol Region.

Labingdalawa sa mga biktima ang bata, na pinakabata ang apat na taong gulang at pinakamatanda ang 78-anyos.

May dalawa ring insidente ng muntikang pagkalunod subalit mapalad na agad na nasagip ng nakatalagang life savers o mga nagbabantay na awtoridad.

Karamihan sa mga nalunod ay nasa impluwensiya ng alak habang kapabayaan naman ang nakikitang dahilan sa pagkasawi ng mga menor de edad.

(JESSE KABEL RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment