ILOILO – Apat na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army ang napatay sa nangyaring engkwentro laban sa mga tropa ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army noong Miyerkoles ng madaling araw sa Brgy. Torocadan, sa bayan ng San Joaquin sa lalawigan.
Ayon kay Brigadier General Michael Samson, commander ng 301st Infantry Brigade ng Army, unang nakita ang tatlong napatay noong Miyerkoles sa mismong encounter site at kinilala ang dalawa sa mga ito na sina Jeniel Estoque at Mario Reovoca, habang hindi pa natutukoy ang isa pa.
Noong Huwebes ng umaga, natuklasan ang isa pang babaeng napatay at isang pang babaeng sugatan, na nasa isang kubo malapit sa pinagyarihan ng labanan.
Kinilala ang ikaapat na napatay na si Rena Rhea Camariosa habang dinala sa ospital ang sugatang si Rosel Nabua Esmediana.
Ayon sa military, ang mga rebelde ay pawang miyembro ng Southern Panay Front Komiteng Rehiyon o Panay SPF-KR.
Nakasagupa ng mga ito ang nagpapatrulyang mga tropa ng pamahalaan sa labanan na tumagal ng halos 20 minuto bago umatras ang mga rebelde.
Nakuha sa lugar ng mga tauhan ng Philippine Army ang apat na M16 rifles, isang AK-47 rifle, tatlong bandoliers, isang commercial radio, at siyam na backpack.
Ayon pa kay Brigadier General Samson, muling nagkaroon ng palitan ng putok pasado alas-diyes ng umaga noong Huwebes sa Brgy. Roma sa bayan ng San Joaquin sa patuloy na pagtugis ng Philippine Army sa tumakas na mga miyembro ng NPA.
Wala namang iniulat na nasaktan o casualty sa panig ng mga tropa ng pamahalaan.
(NILOU DEL CARMEN)
236