POSIBLENG umakyat sa mahigit 50 katao ang patay sa massive landslide sa Barangay Masara, sa bayan ng Maco sa Davao de Oro dahil hindi pa natatagpuan ang 44 sa mga ito.
Ayon sa local Office of Civil Defense, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang rescue Operations ng Eastern Mindanao Command katuwang ang provincial rescue teams para sa nalalabing 44 tauhan ng APEX Mining na na-trap sa nasabing landslides kung saan may dalawang bus din ang natabunan.
Habang nasa pito katao ang iniulat na namatay na nakuha sa ilalim ng guho, ayon sa EASTMINCOM.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Exec. Dir. Usec. Ariel Nepomuceno, nagtutulong-tulong ang kinauukulang mga ahensya upang marekober ang mga biktima kasunod ng mahigpit na tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanapin at iligtas ang mga nawawala o na-trap sa pagragasa ng mga bato at lupa bunsod ng nararanasang tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng shearline at buntot ng low pressure areas.
Sa ngayon, ani Nepomuceno, 19 ang binabantayang sugatan kabilang ang tatlong indibidwal na napaulat na kritikal ang kondisyon.
Nasa 430 pamilya o katumbas ng 1,590 indibidwal mula sa tatlong Brgy. sa Maco, Davao de Oro ang apektado ng landslide, na pansamantalang nanunuluyan sa 5 evacuation centers.
Nakapagtala rin ng 62 na totally damaged na mga kabahayan.
Samantala, nakapagbigay na ang pamahalaan ng inisyal na P190 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, bukod sa naganap na pinakahuling pagguho ng lupa sa bayan ng Maco, umabot na sa 78 ang landslides incidents at 70 floods ang naitala sa mga lalawigang sakop ng Davao at Caraga Region kung saan nasa 16 katao naman ang iniulat na namatay at lima ang sugatan.
(JESSE KABEL RUIZ)
217