50% NG PAMILYANG PINOY NAGHIHIRAP

UMABOT sa 50 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili na nagdarahop o salat sa kabuhayan, ito ang lumabas sa pinakahuling pag-aaral ng Social Weather Station.

Lumabas ang nasabing pag-aaral ng SWS kasunod ng panawagan ng iba’t ibang labor groups na ipasa na ang legislative wage hike na P150.00 dahil hindi na kinakaya ng mga pamilyang Pinoy ang taas ng presyo ng mga bilihin.

Nabatid na base sa March 21-25 survey na inilunsad ng SWS, lumitaw sa pag-aaral na 46 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap.

Katumbas ito 13 million families na hindi lumayo kumpara sa isinagawang survey noong Disyembre 2023, na 47 percent ang nagdeklarang sila ay maralita.

Pinakamataas na naitala sa isinagawang self-rated poverty poll ang Visayas na may 64 porsyento, habang 56 porsyento naman ang nagsasabing sila ay mahirap sa rehiyon ng Mindanao.

Habang sa Luzon, maliban sa Metro Manila, ay may 38 percent self-declared poor families at 33 bahagdan naman ang naitala para national Capital Region.

Samantala, may 30 porsyento naman ng mga pamilyang Pilipino ang nagsasabing nasa gitna o borderline ng pagiging mahirap habang 23 porsyento ang nagsasabing hindi sila purdoy.

Tatlumpu’t tatlo porsyento naman ng mga pamilya ang nagsasabing sila ay salat sa pagkain o “food-poor” base sa uri ng kanilang kinakain.

“As of March 2024, the percentage of Self-Rated Food-Poor families was highest in the Visayas at 46 percent, followed by Mindanao at 44%, Metro Manila at 28 percent, and Balance Luzon at 24 percent,” ayon sa SWS.

Samantala, kinalampag muli ng ilang labor groups ang Kongreso na isabatas na ang panukalang dagdag na P150 daily wage.

Ayon sa grupong National Wage Coalition, hindi na kinakaya ng mga manggagawa ang mahal na bilihin at hindi na rin akma ang kasalukuyang sweldo na natatanggap.

Ang panukalang legislated wage hike ay matagal nang nakahain sa Kongreso subalit hanggang ngayon ay nakabitin sa committee level.

(JESSE KABEL RUIZ)

68

Related posts

Leave a Comment