MEDICAL DEVICE DISTRIBUTION NG PCSO

TARGET ni KA REX CAYANONG

NAMAHAGI ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng iba’t ibang medical device sa mga residente ng Pampanga, Rizal, at Laguna, na nagpapakita ng kanilang patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng kalusugan ng mga Pilipino.

Sa personal na pag-abot ni PCSO General Manager Melquiades Robles ng 50 wheelchair, 50 nebulizer, 50 glucometer, at 50 BP apparatus kay Pinuno Party-list Representative Ivan Howard Guintu kamakailan sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City, ay ipinakita nila ang kanilang dedikasyon sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Nagpahayag ng pasasalamat si Guintu sa mga donasyon ng PCSO at tiniyak na ang mga ito ay makararating sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.

Ang pagkakaloob ng mga medical device ay bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng PCSO, na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maghatid ng serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

Kasama sa mga programa ng PCSO ang Medical Access Program (MAP), isang programa na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal na may mga problema sa kalusugan.

Sa pamamagitan ng MAP, ang PCSO ay katuwang ng pamahalaan, pribadong ospital, health facilities, mga botika, at iba pang partner sa pagbibigay ng pinansyal na tulong.

Para sa mga nais mag-apply para sa medical o financial assistance sa pamamagitan ng NCR-MAP Online Application, may ilang hakbang na dapat gawin.

Dapat ihanda ang lahat ng kinakailangang dokumento, i-scan ang mga dokumentong ito, pumunta sa opisyal na website ng PCSO sa pcso.gov.ph, piliin ang e-services, at piliin ang NCR Online Application for Medical Assistance.

Dapat punan ang kinakailangang impormasyon at detalye ng pasyente, i-upload ang mga na-scan na dokumento sa sistema, hintayin ang notification ng status ng request sa iyong email sa loob ng 24 oras.

Kapag naaprubahan na, i-print ang Guarantee Letter (GL) at ang MAP application form at isumite ang printed Guarantee Letter at MAP application form kasama ang kumpletong dokumento sa hospital, dialysis center, partner health facility (PHF)/medicine retailer o diagnostic center.

Makatatanggap ng notification sa status ng request sa loob ng 24 oras mula sa pagsusumite ng application at kumpletong dokumento.

Sinasabing sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, ang PCSO ay patuloy na naglilingkod upang masigurong ang mga nangangailangan ay makatatanggap ng agarang tulong medikal na kanilang kinakailangan.

46

Related posts

Leave a Comment