7 BANGKAY NAHUKAY SA MASS GRAVE

LANAO DEL NORTE – Pitong bangkay ang nahukay ng mga pulis at sundalo sa bulubunduking lugar sa Sitio Lapao, Barangay Kurkom, sa bayan ng Sapad sa lalawigan noong Linggo ng hapon.

Nangyari ang pagkakadiskubre matapos makatanggap ang Sapad Police ng report mula sa isang concerned citizen na may mga bangkay na inilibing sa nasabing lugar.

Agad nakipag-coordinate ang PNP at mga sundalo sa Municipal health officer ng bayan at magkakasamang pinuntahan ang lugar na 30 kilometro ang layo mula sa kabayanan.

Ayon sa PNP, ang nasabing lugar ay hindi napapasukan ng sasakyan kaya kailangang lakarin at walang signal sa lugar.

Ilang minuto ang nakalipas ay nakita nila ang isang bagong hukay sa lupa at agad nilang hinukay.

Hindi pa kalaliman ang nahuhukay ay bumulaga na sa kanila ang pitong bangkay, kinabibilangan ng apat na lalaki at tatlong babae.

Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng SOCO at ibinaba sa kabayanan ang mga bangkay.

Base sa ilang ID na nakuha, nakilala ang tatlo sa mga ito na sina Joselito Tibud Gaviola, 54; Elvi Gaviola Legara, 43; at Marly Cabalan Gaviola, 50-anyos.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima, kung paano napunta roon at kung sino ang naglibing sa mga ito.

(NILOU DEL CARMEN)

68

Related posts

Leave a Comment