Alitagtag drug haul nagresulta ng kontrobersya ‘PAPOGI’ KAY BBM SUMABLAY

(SAKSI NEWS TEAM)

SA halip makatulong sa imahe ng administrasyong Marcos ay negatibo ang naging resulta ng Alitagtag drug bust na unang iniulat na biggest drug haul ngunit kalaunan ay binawi ng mga awtoridad.

Katunayan, sa isang pahayag ay sinabi ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na embarrassment ang kinalabasan imbes maging achievement ang pagkakasamsam sa tinatayang P9.68 billion halaga ng droga sa nasabing bayan sa Batangas kamakailan.

“Biglang naglahong parang bula ‘yung biggest drug haul in history. Winagayway pero it lasted for one day kasi nga biglang nawalan ng .600 tons yung diumano ay P13-B worth, naging P9-B worth na lamang. Tingin ko, imbes na maging achievement ng gobyerno yun ay naging embarrassment. Bakit naman kasi nagmalaki sa buong mundo, winagayway ang accomplishment hindi man lang tinimbang ng tama,” ani Roque.

Matatandaang noong nakalipas na Abril 15 ay iniulat ang pagkakaharang sa isang checkpoint sa halos dalawang toneladang shabu na lulan ng isang van.

Ngunit kinabukasan ay nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga lamang ng P9.68 billion ang shabu matapos ang official inventory na inabot umano ng halos dalawang araw.

Dahil dito ay lumalabas na may kabuuang 1.4 tons at hindi 2 tons ang kargang shabu ng van.

Paliwanag ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, ang naunang figure na mahigit Php13.3 billion na halaga ay batay lamang sa initial estimation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) base sa itsura at laman ng mga sakong kanilang nasamsam.

Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagprisinta sa media sa pagkakasamsam sa nasabing droga.

Kaya naman tila kinantyawan ito ni Roque dahil agad ding binawi ng PNP ang naunang figure.

Para naman sa political strategist na si Malou Tiquia, hindi dapat hinayaang iprisinta agad ni Pangulong Marcos ang operasyon lalo pa’t hindi pa tapos ang imbestigasyon.

Naniniwala rin siyang pulitika ang end goal sa nasabing drug haul.

“Hindi pa nga settled ang facts, hindi pa nga nawe-weigh (ang droga) bakit kaagad may conclusion na? At may contrasting kaagad na biggest at bloodless drug haul. Kaya ko sinasabing red flag kasi parang ginawa nilang political ends,” ani Tiquia.

44

Related posts

Leave a Comment