Sa paglutang ng drug use issue TAGUMPAY NG DRUG WAR NI MARCOS JR. LUMABO

NANGANGAMBA ang isang anti-crime group na mabalewala ang kampanya ng administrasyong Marcos laban sa ilegal na droga ngayong mismong Pangulo na ang inaakusahang gumagamit.

Ayon sa grupong Anti-Crime and Community Emergency and Response Team (ACCERT), kailangang agad matapos ang kontrobersya hinggil sa paggamit umano ng droga ng Pangulo.

“Dahil hindi niya puwedeng labanan o sugpuin ang isang malaking problemang ito sa ating bansa ang droga kung siya mismo ay naku-question ang kanyang integridad patungkol dito,” ayon kay Edwin Maniti, Vice President for Operation ng ACCERT.

Noong isang linggo ay dininig sa Senado ang alegasyon kaugnay sa sinasabing PDEA Leaks o ang dokumento na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa iba pang indibidwal sa paggamit ng droga.

Inamin ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales na totoo ang mga dokumento at siya mismo ang nakapirma rito.

Naniniwala naman si Senador Ronald Bato dela Rosa na hindi fabricated o gawa-gawa lang ang umano’y nag-leak na Operate and Pre-Operation Report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa pagdinig sa Senado, itinanggi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ang sinasabing dokumento.

Testimonya ng ex-PDEA agent dapat panindigan

Sa isang pahayag, sinabi ni dating Malacañang spokesperson Atty. Harry Roque na mahalaga sa PDEA Leaks confidential informant na panindigan ang kanyang testimonya.

Binigyang-diin ni Roque ang kahalagahan ng papel ng informant sa pagtiyak na ang isyu ay ganap na maimbestigahan at malinawan.

”The informant who witnessed with their own eyes the President using drugs needs to stand up and explain why they know it’s drugs, because they might have been together using drugs…” aniya.

Kasabay nito, kinuwestyon ni Roque kung bakit ilalagay sa panganib ni dating PDEA agent Jonathan Morales ang kanyang buhay para lamang sa kasinungalingan.

Tinukoy niya ito bilang dahilan kung bakit gumawa si Morales ng pre-operational report and authority to operate laban kay President Bongbong Marcos.

Hinikayat nito ang impormante na panindigan ang kanyang sinumpaang salaysay na nagsasabing nasaksihan niya mismo ang paggamit ng droga noon ni Marcos.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

44

Related posts

Leave a Comment