PAG-ANGKAT NG BIGAS IPAPASA SA DA, DTI

MAGIGING rice importer ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) kung hindi magkasundo ang Kongreso na ibalik ang trabahong ito sa National Food Authority (NFA).

Ito ang isiniwalat ni House committee on agriculture chairman at Quezon Rep. Mark Enverga sa planong amyendahan ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law (RTL) na tinatrabaho ngayon ng Kongreso.

“Hindi pa kami sarado sa usapin na dun (na ibalik sa NFA ang pag-angkat ng bigas). May dalawang opsyon kaming tinitingnan,” ani Enverga.

“There is an option ng Department of Agriculture, dun sa kanilang panukala is baka naman pwedeng hindi NFA (ang mag-angkat ng bigas). Baka puwedeng ang DA or DTI ay maaaring mag-import at kung sakali mang magkagulo sa presyo ay pwede silang manghimasok at magbenta sa merkado,” ayon pa sa kongresista.

Ginawa ang nasabing panukala dahil sa katiwalian sa NFA tulad ng pagbebenta ng bigas sa rice traders na natuklasang mga rice importers din umano, sa napakamurang halaga na naging dahilan para kasuhan at suspindehin ang mga dating opisyal ng ahensya.

Gayunpaman, sinabi ni Enverga na wala pang pinal na desisyon ang komite sa bagay na ito dahil kasisimula pa lamang ng pagdinig.

Ang panukalang amyendahan ang nasabing batas ay upang mabawasan ng P10 hanggang P15 ang kasalukuyang presyo ng bigas sa merkado.

Subalit kung ang grupong Bantay Bigas ang tatanungin, hindi sila pabor na amyendahan lang ang batas kundi tuluyan itong ibasura dahil sa delubyong idinulot anila sa mga magsasaka at consumers.

“Ang gusto ng mga magsasaka ay ibasura ang RA 11203 dahil mas malaki ang delubyo na idinulot nito sa mga magsasaka ganun din sa consumers,” ayon Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas.

Sa loob aniya ng 5 taon mula nang ipatupad ang batas noong 2019 ay lalong naghirap ang mga magsasaka dahil walang kontrol sa pag-angkat ng bigas sa ibang bansa.

Bukod dito, hindi natupad ang pangako ng mga nagsulong sa nasabing batas na ibaba ang presyo ng bigas.

(BERNARD TAGUINOD)

61

Related posts

Leave a Comment