ANTI-FIXER, RED TAPE CAMPAIGN IKINASA NG LTO

BAWAL na sa lahat ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO)  ang pagpasok ng mga fixer at pagkakaroon ng red tape sa ahensya para matiyak ang mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko.

Nabatid sa isang memorandum, iniutos ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade sa mga Regional Director ng LTO sa buong bansa na “ipagbawal sa mga fixer na pumasok, gumala, maghintay at/o iba pang katulad na aktibidad sa alin mang opisina at/o pasilidad ng LTO.”

Nanawagan din si Tugade sa mga pinuno ng opisina ng LTO sa nga rehiyon na “tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa mga pamamaraan, mga kinakailangan at mga takdang panahon gaya ng itinatadhana sa ilalim ng Citizen’s Charter.”

Kaugnay nito, ang mga pinuno ng rehiyon ay inatasan din na “magpasimula ng mga kampanya at programa” sa kani-kanilang mga nasasakupan upang matiyak ang pagpuksa sa mga fixer at red tape.

Samantala, para sa maayos na pagsubaybay at pagpapatupad, inatasan din ang mga Regional Director na magsumite ng “bi-monthly report sa Executive Director” upang iulat ang progreso ng kanilang mga aksyon hinggil sa pagkakaroon ng mga fixer at pagtanggal ng red tape.

Kaugnay nito, binalaan  ng LTO chief ang mga tauhan ng LTO na maaaring nakikipagsabwatan sa mga fixer at lumalabag sa mga probisyon ng Republic Act 11032 o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018,” na sila ay kakasuhan ng administratibo at kriminal batay sa Section 13 ng nasabing batas.

Ipinunto niya na siya ay walang tolerance sa katiwalian dahil siya ay nasa proseso ng pagtatatag ng mga reporma upang mapabuti ang transparency at baguhin ang pananaw ng publiko tungkol sa ahensya.

“Magbigay babala sa sinumang tauhan ng LTO, na hindi ako magdadalawang-isip na magsampa ng mga kaso laban sa mga maaaring sangkot sa mga katiwalian na kasabwat ang mga fixer na pumipigil sa mahusay na paghahatid ng serbisyo sa publiko, sa ating mga customer,” diin ni LTO Chief Tugade. (PAOLO SANTOS)

17

Related posts

Leave a Comment