ANTI-ILLEGAL DRUG CAMPAIGN SA PASIG PAIIGTINGIN

NANGAKO si Pasig City Mayor Vico Sotto na paiigtingin pa ng kanyang administrasyon ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot sa lungsod.

Ito ang binigyang-diin ng alkalde sa kick-off ceremony para sa pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week na ginanap sa temporary city hall sa Bridgetown sa Barangay Rosario.

Ayon pa sa alkalde, malaking tulong aniya ang kasalukuyang isinasagawang educational campaign sa mga eskuwelahan para magbigay babala sa mga estudyante sa kapaha-pahamak na resulta ng illegal drugs.

Sinabi pa ni Sotto na isa pa sa mahalagang hakbang ay ang pagbibigay ng livelihood program sa mga pamilya na naging biktima ng ipinagbabawal na gamot upang maalalayan ang kanilang pag-ahon mula sa pagkasadlak sa bisyo.

Binigyang-diin din ng punong lungsod na kailangan aniyang mabawasan kung hindi man tuluyang mahinto, ang daloy ng suplay ng ilegal na droga mula sa mga dealer patungo sa mga pusher.

Pinasalamatan naman ni Sotto ang Pasig City Anti-Drug Abuse Office sa walang humpay na mga kampanya at pakikipagtulungan nito sa pulisya upang mabawasan ang problema sa ilegal na droga sa lungsod at makapagbigay ng tulong sa mga naging biktima nito. (NEP CASTILLO)

17

Related posts

Leave a Comment