APEX MINING PANAGUTIN SA DAVAO LANDSLIDES

HINILING ng isang dating kinatawan ng Bayan Muna sa Kamara, na panagutin ang Apex Mining Co., Inc na kanilang sinisisi sa nangyaring trahedya sa Masara, Maco Davao de Oro.

Ayon kay dating Congresswoman Eufemia Cullamat, hindi na nito ipinagtaka ang pagguho ng bundok na base sa mga report ay ikinamatay ng 6 na katao, ikinasugat ng 31 habang 46 pa umano ang nawawala dahil sa mining operation sa lugar.

“Ang nangyari sa Masara, Maco, Davao de Oro ay nagpaalala sa atin sa mga kasabihan ng ating mga ninuno na bawal hukayin ang lupa ng kahit na kaunti, lalo na kung wala ka namang itatanim na kapalit, dahil darating ang panahon na kakainin ka ng lupa,” ani Cullamat.

Ganito aniya kasagrado ang lupa, lalo na sa mga tulad nilang Lumad, kaya nakikibaka ang kanilang mga ninuno para idepensa ang kanilang lupang ninuno na ipinagpapatuloy nila hanggang ngayon.

“Kaya hindi pwedeng manahimik na lang at pagtakpan ang Apex Mining Co. Inc. sa kanyang malaking pananagutan at responsibilidad sa mga naninirahan at mga manggagawa nito na naging mga biktima – lalo na sa mga namatay – dahil sa nangyaring landslides at pagbaha sa mining site nito sa Masara Maco, Davao de Oro,” ayon sa dating mambabatas.

Kailangang aniyang papanagutin ang Apex Mining sa lahat ng buhay at kabuhayan na nawala at lubhang nasira dahil sa walang tigil na pagmimina sa mga kabundukan at kalikasan ng Davao de Oro.

Sinabi ng mambabatas na panahon na para paalisin na ang Apex Mining sa Davao de Oro para matigil na ang patuloy na pagkasira ng mga kabundukan at kalikasan sa loob ng lupang ninuno.

“Hinahamon din natin ang pamahalaang Marcos Jr. na ipatigil na ang pagkawasak at pagkasira ng ating Inang Kalikasan sa pamamagitan ng pag-utos ng kagyat na moratorium sa lahat ng mga mining operations, hindi lang sa Davao de Oro, kundi sa iba pang bahagi ng bansa, dahil sa idinudulot nitong kapinsalaan at kapahamakan sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan,” ayon pa kay Cullamat.

Nais nito na hindi lamang ang kumpanya ang panagutin kundi ang mga may-ari ng nasabing kumpanya kasama na ang umano’y mga “tiwaling opisyal ng pamahalaan, lokal man o national, na kasabwat sa patuloy na pagkasira ng ating kalikasan at pangungulimbat ng ating mga likas na yaman”.

(BERNARD TAGUINOD)

43

Related posts

Leave a Comment