NASAGIP ng Emergency Response Team ang isang batang babae nitong Biyernes ng umaga mula sa gumuhong lupa, tatlong araw makaraan ang nangyaring landslide sa Davao de Oro.
Ayon sa Facebook post ng isang miyembro ng Emergency Response Team na si Ry Leynes, natagpuang buhay ang bata pagkaraan ng tatlong araw na pagkakabaon mula sa gumuhong bahagi ng lupa sa Barangay Masara, bayan ng Maco.
Ayon naman kay PDRRMO Executive Assistant Edward Macapili, Dahil dito, nagkaroon ng pag-asa ang mga rescuer na mayroon pang makukuhang buhay sa halos nasa 110 pang nakatalang nawawala makaraan ang landslide.
Bunsod nito, lalong nagkukumahog ang mga rescuer sa paghuhukay sa guho.
Bagama’t may ginagamit na ang mga rescuer na mga heavy equipment, nagmamano-mano pa rin ang mga ito sa paghuhukay gamit ang pala at kamay sa mga lugar na tinataya nilang mayroon pang mga katawan.
Sa pinakahuling bilang mula sa Davo de Oro PLGU, 11 na ang naitalang nasawi at 31 ang nasagip at mga nasugatan matapos matabunan ng lupa ang mga kabahayan, tatlong bus at isang jeep sa nangyaring landside noong Martes ng gabi.
Ayon pa kay Macapili, napakakapal ng lupa na tumabon sa mga sasakyan na tinatayang halos kasingtaas ng dalawang palapag na gusali.
Ang natabunang mga sasakyan ay naghihintay ng pauwing mga manggagawa mula sa katabing minahan ng ginto.
Tinaya ng mga opisyal na nasa 20 ang nakasakay sa mga sasakyan nang mangyari ang landslide.
Ayon kay Maco Mayor Arthur Carlos Rimando, ang lugar ng landslide ay nasa 4 na kilometro ang layo mula sa minahan na pinatatakbo ng local company na Apex Mining at deklaradong ‘no habitation zone’.
Mula pa noong taong 2007 ay itinuturing na itong landslide prone areas, subalit nagpipilit pa ring manirahan doon ang mga residente dahil naroon ang kanilang kabuhayan at hanapbuhay.
Nitong nakaraang mga araw, nakaranas ng matitinding pag-ulan ang maraming lugar sa Eastern at Southern Mindanao na nagdulot ng maraming landslide at mga pagbabaha.
Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan.
(NILOU DEL CARMEN)
274