SUMAMBULAT na ang hidwaan ng mga mambabatas na Bicolano dahil sa People’s Initiative na isinusulong ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para amyendahan ang 1987 Constitution at itali ang kamay ng mga senador.
Kamakalawa ng gabi ay sinupalpal ni Albay Rep. Edcel Lagman si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, chairman ng House committee on appropriations, matapos itanggi ng una na ang P12 billion na isiningit ng Bicameral Conference committee sa budget ng Commission on Elections (Comelec) ay para sa Cha-cha.
“Rep. Elizaldy Co, Chairman of the House committee on appropriations and co-chair of the bicameral conference committee on the 2024 General Appropriations Bill (GAB), must stop calling me names and becoming personal but must stick to the facts and the truth that P12-B was inserted by the Bicameral conference committee in the 2024 Comelec’s budget for “plebiscites”, among others, related to the Charter change agenda,” panunupalpal ni Lagman.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos sabihan ni Co na natutulog sa pansitan at ang P12 billion na idinagdag sa budget ng Comelec ay tugon sa kahilingan umano ng komisyon dahil P2 billion lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa kanilang original proposal na P17.5 billion at hindi ito para sa Cha-cha.
Gayunpaman, ipinamukha ni Lagman kay Co na malinaw na nakasulat sa page 618 ng 2024 General Appropriations Act na “the initial P2.2-B for the “Conduct and supervision of elections, referenda, recall votes and plebiscites” was increased by P12-B under the line item “Conduct and supervision of elections, referenda, recall votes and plebiscites —P14,229,617,000”.
Itinanggi rin ng Kongresista na hindi ito natutulog sa pansitan dahil ngayon lamang umano siya hindi isinali ng liderato ng Kongreso na contingent sa Bicameral Conference committee kung saan co-chairman si Co.
Si Co umano ang may-ari ng hotel kung saan idinaos ang ipinatawag na pulong sa mga alkalde ng nasabing lalawigan. Hindi rin umano alam ng mga alkalde na People’s Initiative ang pakay ng pulong.
Dinaluhan ito ni AKO Bicol party-list Rep. Raul Angelo Bongalon at dating kinatawan ng partido na si Atty. Alfredo “Pido” Garbin Jr.
(BERNARD TAGUINOD)
196