BINGO NG BAYAN ‘FRONT’ NG JUETENG SA ORIENTAL MINDORO

(RONALD BULA)

BINGO ng Bayan ang tawag ngayon sa bagong operasyon ng illegal numbers game na “jueteng” sa Oriental Mindoro, ayon sa mga source ng SAKSI NGAYON.

Ang koleksyon ng mga taya para sa larong Bingo ng Bayan ay gumamit ng mga paraphernalia at mechanics ng PCSO.

Sa halip umano na tumaya sa mga itinalagang PCSO outlet, ang Bingo ng Bayan ay gumagamit ng mga “cobrador” at “cabo” na gumagala sa mga pampublikong lugar sa labing apat na bayan at isang siyudad sa Oriental Mindoro upang mangolekta ng mga taya.

Gumagamit din sila ng mga piraso ng papel, na karaniwang kilala bilang “papelitos,” sa pagtatala ng mga taya sa pamamagitan ng kumbinasyon ng jueteng.

“Wala kaming Perya ng Bayan, Small Town Lottery o anumang kumbinasyon dahil hindi maintindihan ng mga mananaya ang mga mekanikong iyon. Mas sanay talaga sila sa jueteng na kung tawagin ngayon ay Bingo ng Bayan,” sabi ng isang cabo, na humiling na huwag pangalanan dahil na rin sa kanyang seguridad.

Wala ring pangingimi ang isa nating tagasubaybay sa kanyang kahilingan na kasuhan umano ang kanilang gobernador na si Governor Humerlito Dolor, maging sina PRO MIMAROPA regional director PBGen Joel Doria at Oriental Mindoro Provincial Director PCol Samuel Delorino dahil sa umano’y pananahimik ng mga ito sa pamamayagpag ng ilegal na sugal na jueteng gamit ang Bingo ng Bayan.

Nanawagan din sila na aksyunan ng  triple “D” Dolor, Doria at Delorino  ang talamak na operasyon ng jueteng sa Oriental Mindoro.

Sa kanilang text message, nanawagan din sila kina DILG Sec.Benhur Abalos  at PNP Chief, Benjamin Acorda Jr., na sampahan ng kasong administratibo sina Dolor, Doria at Delorino dahil sa posibleng pangungunsinti umano ng mga ito na mag-operate ng jueteng ang umano’y Bingo ng Bayan sa buong probinsya.

Bago umano mag-lockdown noong Marso 2019 ay namamayagpag na ang illegal number games na jueteng sa Oriental Mindoro gamit ang mga naunang  Peryahan ng Bayan (PnB), Lucky Bingo at STL.

Ayon sa source isang maimpluwensiyang pulitiko na may inisyal na “LM”, alyas Dela Rocca at isang Police General  na may inisyal na “RF” ang umano’y namamahala ngayon sa iligal na sugal na jueteng sa Oriental Mindoro.

Matatandaang pansamantalang napahinto ang operasyon nito nang magbigay ng direktiba ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang lahat ng operasyon ng sugal sa buong bansa kasabay ng pamimiyapis ng COVID-19 virus.

Tila nabalewala rin ang direktiba ni PNP Chief, Benjamin Acorda Jr., na “Internal cleansing sa PNP at “No Take Policy” sapagkat nakatimbre diumano ang operasyon ng Bingo ng Bayan sa Palasyo ng Malacañang?

Dalawang beses sa isang araw ang

bolahan ng jueteng, alas dose ng tanghali at alas otso ng gabi na binobola malapit umano sa kinaroroonan ng provincial capitol at Sangguniang Panlalawigan (SP).

Ayon sa impormasyon gumaganda ang kubransa ng jueteng sa bagong pangalan na Bingo ng Bayan sa bayan ng Victoria, Naujan, Puerto Galera, Baco, San Teodoro, Socorro, Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabong, Mansalay, Gloria, Roxas, Bulalacao at Calapan City na umaabot sa halos P2.8 milyon.

Kalahati diumano sa nadadale ng Bingo ng Bayan na front ng jueteng ay naibubulsa ng kanilang mga protektor na kinabibilangan ng ilang matataas na opisyal ng Police Regional Office MIMAROPA, Police Provincial Office (PPO), local police at LGUs.
Habang sinusulat ang balitang ito ay pilit tinatawagan ng may akda ang mga nabanggit na opisyal subalit hindi sila sumasagot.

236

Related posts

Leave a Comment