‘BUILD, BUILD, BUILD IPINALALATAG SA RURAL AREAS

INIHAYAG ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero na dapat palawakin, pabilisin, at gawin labas sa mga sentrong panlungsod ang malalaking proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan upang makalikha ng trabaho at oportunidad at upang mapagalaw ang mga aktibidad na pang-ekonomiya sa kanayunan.

Sinabi ni Escudero na habang nanlulupaypay ang ekonomiya dahil sa matinding epekto ng pandemya, dapat paghandaan ng susunod na administrasyon kung papaano maikakalat nang pantay-pantay sa mga probinsiya ang mga proyektong pang-imprastruktura.

“Sana ang maging bagong konsepto ng ‘Build, Build, Build’ program ay hindi lamang nakatuon sa mga big-ticket projects at nasa malalaking probinsya o mga siyudad. Huwag namang sanang iwanan ang mga malalayo at maliit na lugar sa mga infrastructure projects,” ani Escudero na isang beteranong mambabatas.

“Tama lang na ikalat nang patas at sapat ang mga proyektong pang-imprastruktura sa mas maraming lugar ng Pilipinas para makapaglikha ng trabaho nang hindi naman makulelat ang mga nasa kanayunan,” dagdag ni Escudero na kumakandidato para sa isang bagong termino sa Senado.

Ayon kay Escudero, maaaring gawin sa kanayunan ang mga proyekto, ilan lamang sa mga ito ang mga kalsada, eskuwelahan, ospital, irigasyon, at imprastrakturang pang-agrikultura at pang-turismo, upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan, na siyang pangunahing tagapagbigay ng empleyo sa maraming lugar, pagdating sa pagbibigay ng mga trabaho at kabuhayan sa kani-kanilang komunidad.

Nakalikha ng 6.1 milyong trabaho ang “Build, Build, Build” ng Duterte Administration mula 2016 hanggang 2020, base sa numero mula sa Department of Public Works and Highways. (ESTONG REYES)

4

Related posts

Leave a Comment