BULAKENYO INALERTO KONTRA HIV, AIDS

LUNGSOD NG MALOLOS – Ginunita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang International AIDS Candlelight Memorial sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos, sa pamamagitan ng pagtataas ng kamalayan at paghihikayat ng suporta sa paglaban sa HIV at AIDS noong Lunes, Mayo 6.

Isang mensahe ng pagkakaisa ang ibinigay ni Provincial Health Officer Annie Balingit mula sa Provincial Health Office – Public Health sa ginanap na Lingguhang Pagtataas ng Watawat, kung saan iprinesenta ang simbolikong pulang laso na sagisag ng patuloy na laban sa HIV at AIDS.

Binigyang diin ni Balingit ang dedikasyon ng Bulacan sa pagbibigay ng accessible healthcare services, partikular na sa pamamagitan ng mobile healthcare services, at pagsusulong ng karapatan ng mga indibidwal na nabubuhay at apektado ng HIV.

Pinagtibay ring muli ni Gob. Daniel R. Fernando ang pangako ng lalawigan na magkaroon ng lugar ng trabaho na malaya sa kadena ng HIV-related stigma at diskriminasyon.

Nagsisilbing taunang pagpupugay para sa mga buhay na nawala dahil sa AIDS, hinimok nito ang mga kalahok na magtipon at mag-alay ng panalangin, hawak ang mga kandila na may pulang laso.

Gayundin, nagsisilbi ang memorial bilang paraan upang kilalanin ang walang katulad na dedikasyon ng mga taong walang sawang sumusuporta sa mga indibidwal na apektado ng HIV na naglalayong pagbuklurin ang mga komunidad.

Sa humigit-kumulang 38 milyong taong nabubuhay na may HIV sa buong mundo, layon ng aktibidad na buwagin ang stigma at diskriminasyon, alok ay pag-asa para sa mga bagong henerasyon.

Maaaring kumalat ang HIV sa pamamagitan ng pagpapalitan ng ilang body fluids kabilang ang dugo, gatas ng ina, semilya, at vaginal secretions, ayon sa World Health Organization.

Samantala, maaaring mabawasan ang panganib ng impeksyon ng HIV sa pamamagitan ng paglimita sa risk factors kabilang ang tama at palagiang paggamit ng condom at regular na pagpapasuri para sa HIV at iba pang sexually transmitted infections (STIs).

(ELOISA SILVERIO)

41

Related posts

Leave a Comment