COMELEC NAKAABANG SA DESISYON NG SC SA PETISYON NG SMARTMATIC

HANDANG sumunod ang Commission on Elections (Comelec) sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong inihain ng dating service provider na Smartmatic Philippines.

Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, hindi pa nila natanggap ang order mula sa Mataas na Hukuman na itigil ang anoman sa kanilang paghahanda para sa midterm polls sa susunod na taon.

Noong Disyembre ng nakalipas na taon, tinutulan ng Smartmatic ang legalidad ng diskwalipikasyon nito sa proseso ng pag-bid ng poll body para sa 2025 automated election system, sa Korte Suprema.

Gayunman, isinantabi ni Garcia ang posibilidad ng pagsasagawa ng manual elections.

Ayon kay Garcia, hindi maaaring gamitin ang manual elections dahil maaaring malabag ng Comelec ang batas.

“You have to automate the national and local elections. So kung ano po ‘yung magiging (whatever is the) disposition, iyan naman po ay part ng proseso (that is part of the process) pero in the meantime, the Comelec will have to proceed,” sabi ni Garcia sa press briefing.

Noong Lunes, ang Comelec kasama ang joint venture Miru Systems Co. Ltd., Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies Inc. (MIRU-ICS-STCC-CPSTI), ay lumagda ng P17 bilyong kontrata sa Comelec para sa 2025 elections.

Naghain ng bid ang Miru Systems sa P17.98 bilyon para sa proyekto na kinabibilangan ng paggawa ng 110,000 automated counting machines at mga balota bukod sa iba pa.

(JOCELYN DOMENDEN)

37

Related posts

Leave a Comment