TINAWAG ng Kilusan ng mga Manggagawang Socialista na huwad ang People’s Initiative na pinapipirmahan ngayon para amyendahan ang Artikulo XVII Section 1 ng 1987 Constitution.
Itinuturing din ng grupo na Trapo Initiative ang pagpapapirma at hindi ang tunay na diwang inisyatiba ng mamamayan.
“Lantad sa mamamayan ang papel ng mga congressman sa signature campaign na ito. Mga tauhan nila ang umiikot sa komunidad para makakalap ng pirma, ang bayad para sa mga lider na makakapagpapirma ay galing sa mga Congressman, at may paayuda pang bigas para mabilis na mapapirma ang mga botante nang walang paliwanag sa nilalaman ng papel. Malinaw na panlilinlang ito ng mga trapo,” diin ng grupo.
Ayon pa sa grupo, pagbotohan man ng dalawang Kapulungan ng Kongreso nang magkasama o hiwalay, mababago ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss).
Mapanganib anila ito sa prinsipyo ng demokrasya at gagamitin ng kampo ng elitista at kapitalista na kumakatawan sa iilan para matiyak ang kanilang interes, habang ang mayorya na kumakatawan sa uring manggagawa at ordinaryong tao ay mababansot saka walang kapangyarihan, na katumbas nito’y ang patuloy na kahirapan at pagsasamantala.
“Huwag tayong magpapagoyo sa huwad na People’s Initiative. Ikinokondisyon lang nito ang isipan ng lahat na ang tanging paraan sa Cha-cha ay ang maka-elitista at kapitalistang Constituent Assembly,” ayon sa grupo ng mga manggagawa.
Isinasaad din anila ng 1987 Constitution sa Artikulo XVII Section 1 na maaaring maganap ang Cha-cha sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon) na mas pinapaboran nilang paraan.
Ito ay demokratikong paraan upang direktang makalahok ang mayoryang manggagawa at ordinaryong tao sa pagbalangkas at pagpapasya sa kinabukasan ng bansa. Makakalahok dito ang kinatawan ng mga manggagawa sa industriya, serbisyo at agricultural; informal workers tulad ng mga driver, vendors, home-based-workers, online sellers, mga nasa community services (manicurista, labandera, magwawalis, etc); OFWs, at iba pang sektor tulad ng kabataan, kababaihan, seniors citizen, PWD at mga propesyunal, para maitala sa pagbabago ng Konstitusyon ang mga adyendang dikit sa sikmura ng mayoryang mamamayan, paliwanag ng grupo.
“Sinasabi ng mga trapo na matagal at magastos daw ang proseso ng ConCon. Pero hindi sila nag-aalala sa bilyon-bilyong pondo na ninanakaw ng mga politiko sa kabang yaman ng bansa sa mahabang panahon. Makabuluhan ang paggastos ng pondo para isabuhay ang demokrasya, may saysay ang maglaan ng mahabang panahon para pag usapan ang adyendang tunay na nakatuon sa interes ng manggagawa at maralita na siyang tunay na lumilikha ng yaman ng bansa,” dagdag pa ng mga ito.
119